Lisa Macuja at anak na si Missy bibida sa palabas ng Ballet Manila
MANILA, Philippines - Magkasamang sasayaw ang mag-inang Lisa Macuja-Elizalde at Missy Elizalde sa Alamat: Si Sibol at Si Gunaw, ang palabas na magbubukas ng 17th performance season ng Ballet Manila. Ito’y mapapanood sa Agosto 24, 25 at 26, at sa Setyembre 1 at 2 sa Aliw Theater, CCP Complex, Pasay City.
“Nakakatuwa na magkakasama na naman kami ng aking anak sa entablado,” sabi ni Macuja-Elizalde, na kinikilalang prima ballerina ng Pilipinas. “Ipinagmamalaki ko talaga si Missy dahil talagang siya ang nagdesisyon na gusto niya ring maging isang ballet dancer.”
Si Macuja-Elizalde ay gaganap bilang Luningning, ang diyosang nangangalaga sa Inang Kalikasan, samantalang si Missy naman ay ang batang Sibol, kakambal ni Gunaw. Iibig si Luningning sa mortal na si Kapuy, papel na gagampanan ni Nazer Salgado. Sila’y magkakaanak na gaganapin paglaki nina Francis Cascaño at Yanti Marduli. Ang dalawang ito’y mag-aaway dahil gusto ng isa na pangalagaan ang kalikasan habang gusto naman ng isa na sirain ito. Gaganap bilang batang Gunaw si Elmoe Dictado.
Isang orihinal na produksiyong Filipino, ang Alamat: Si Sibol at Si Gunaw ay base sa kuwentong pambata ni Ed Maranan, na nilathala ng Bookmark at may mga larawan ni Ronaela B. Maranan.
Ang Alamat: Si Sibol at Si Gunaw ay handog ng Manila Broadcasting Company, Bookmark, Aliw Theater at Star City, sa pakikipagtulungan ng Manila Hotel bilang major sponsor. Una itong ipinalabas noong 2009. Mahigit na 30,000 katao ang nanood nito sa labingdalawang magkakasunod na pagtatanghal sa Aliw Theater.
Ang choreography ng Alamat: Si Sibol at Si Gunaw ay gawa nina Ballet Manila artistic associate Osias Barroso at junior principal dancer Gerardo Francisco. Tampok ang musika ng sari-saring artistang Filipino kasama sina George Canseco, Willy Cruz at Edru Abraham. Ang musical arrangement ay gawa nina Mon Faustino at Noel Zarate.
Para sa ticket, tumawag sa Ballet Manila, 525-5967 o 400-0292, o kaya sa Ticketworld, 891-9999. Maaari ring bumisita sa mga website na www.balletmanila.com.ph o sa ticketworld.com.ph.
- Latest