Nagpasalamat sa tiwala Maja sinabihang magaling ni Direk Paul
MANILA, Philippines - Humakot ng malalaking award sa 30th Luna Awards ng Film Academy of the Philippines (FAP) nitong Linggo ng gabi ang independent film na Thelma na pinagbidahan ni Maja Salvador.
Ito ang pangalawang best actress trophy ni Maja dahil sa pagganap niya sa karakter ng isang runner sa Thelma. Nauna rin siyang nagkaroon dito ng Gawad Urian award.
Napili rin ang Thelma sa best direction (Paul Soriano) at sa award na best cinematography at best screenplay sa Luna Awards na idinaos sa Quezon City.
“Nagulat po ulit ako. Salamat po sa pagkakataon na bigyan po ulit ako ng best actress award,” sabi ni Maja sa kanyang acceptance speech.
Pinasalamatan din niya ang mga director niyang sina Paul Soriano at Lino Cayetano.
“Kung dati wala akong tiwala sa sarili ko, Direk Paul, ikaw ang nagsabi sa akin na magaling ako,” sabi pa ng aktres. “Sa writer namin, maraming salamat. Sa fans ko, sa (pamilya ko) at kung bakit po ako naging artista, sa daddy ko, maraming salamat po,” dagdag niya mula sa ulat ng ABS-CBN News.
Naiuwi naman ni Laguna Governor Jeorge “E.R.” Ejercito ang best actor award para sa action film na Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story na nahirang din na best picture.
Nagbigay din ng tribute ang mga miyembro ng FAP sa King of Comedy na si Dolphy. Ginawaran ng Golden Reel Award ang pumanaw na komedyante.
- Latest