^

PSN Showbiz

Agot tinalbugan sina Juday at Iza

- Veronica R. Samio - The Philippine Star

Para namang hindi indie film ang pelikulang Mga Mumunting Lihim na ginawa ni Jose Javier Reyes at inilahok sa katatapos na Cinemalaya Independent Film Festival. Matangi sa mga lalaking gumanap ng roles sa pelikula na ang pinakamalaki ay ’yung gumanap bilang asawa ni Judy Ann Santos na si Vince at si Eman na unang nagkagusto kay Iza Calzado pero iniwan siya’t pumunta ng Amerika, pawang mga hindi kilalang lalaki ang kinuhang kapareha ng apat na mga sikat na babae na ang pagkakaibigan ang siyang naging buod ng kuwento.

Tama lang na nanalo ng ensemble acting sina Iza, Juday, Agot Isidro, at Janice de Belen bilang best actress at best supporting actress dahil walang mga babaeng bida sa mga indie film na ipinalabas ang mas gagaling at mas sikat pa sa kanilang apat. Sabi ko nga, matangi sa mga ka­sama nila sa pelikula na pawang ipag­tatanong ang pangalan, ang apat marahil na may pinakamalalaking pa­­ngalan sa mainstream movie ang mga lumabas na bida sa pelikula ni Reyes na isa ring mainstream director sa taunang pista ng mga indie o di­gital movie.

Magagaling ang apat na aktres pero mas nag­ningning ang performance ni Agot Isidro na hindi na­sa­pawan ng galing sa pag-arte at maging sa gan­da ng kanyang mga co-actresses. Talagang nagna­nakaw siya ng atensyon sa tuwing magkakasama silang apat sa eksena.

Magaling din si Iza na maganda rin ang role pero mas tinatalo ng kagandahan ng kanyang mukha ang kahusayan niyang umarte. Silang dalawa ni Juday ang may pinakamalaking role sa pelikula pero kahit hindi buo ang partipasyon ni Janice sa istorya, nagawa nito na magpapansin sa pamamagitan ng mga malulutong na mura na kanyang pinakawalan. Hindi ko lang malaman kung bakit kinailangang iwan ng character ni Juday na si Mariel sa kanyang best friend na si Carly (Iza) ang memoirs niya o diaries na nagpapamalas ng kahinaan ng tatlong kaibigan niyang sina Sandra (Agot), Olive (Janice), at Carly. Hindi ko rin alam kung bakit kinailangang ibalik niya ang mga librong iniwan ni Mariel sa kanya para raw makilala siya ng kanyang mga anak sa ka­nilang pagl­aki na sa palagay ko naman ay makasisira lamang ng imahe nito sa kanyang mga naiwan. Hindi rin ako kumporme sa ginawang pagmumura ni Carly sa abo at larawan ng namatay nang si Mariel na nakalagak sa altar ng bahay nito. It was her way of getting even with her friend at bigyan ng closure ang kanilang paghihiwalay.

Kasamaan ni Van Damme tinapos ni Stallone

Nakakagalit naman ang part two ng The Expendables 2 hindi lamang dahil sa kaigsian ng pelikula kundi dahil sa ang gumanap ng kontrabida sa napakalaking mga artistang lalaki na kasama sa pelikula ay isa ring malaking hero sa mga pelikulang ginawa niya na si Jean Claude Van Damme. Napakaikli ng sequel para-ma-justify ang presence ng mga naglalakihang artista na kasama rito, tulad nina Arnold Schwarzenegger, Bruce Willis, Sylvester Stallone, Chuck Norris, Jet Li, Dolph Lundgren, Jason Statham, Ter­ry Crews, Randy Couture, Liam Hems­worth, at ang nag-iisang babae sa pelikula na si Nan Yu.

Pero maganda ’yung finale na kung saan ay tinapos ni Stallone ang kasamaan ni Van Damme. Bilang fan ng Belgian actor, nagalit ako sa kinahinatnan ng character niya pero at the same time hinangaan ko rin siya sa lakas ng loob niyang ilagay sa alanganin ang kanyang imahe sa pamamagitan ng pagpayag na maging kontrabida sa pelikula na wala sa sinumang binanggit ko na malalaking aktor ang tatanggap ng role na ginampanan niya. Mas okay na sa kanila ’yung makasama sa grupo ng mercenaries na pinamumunuan ni Stallone at makipagbarilan sa mga kaaway kesa mamatay sa paraang kinahinatnan ni Van Damme dahil sa walang awang pagpatay na ginawa nito sa isang miyembro ng Expendables na nag-iisang kabataan (si Liam) sa napaka-maaksiyong pelikula na sana naman ay hinaba-habaan para hindi nabitin ang mga manonood.

Billy kilala pa rin sa Paris

Sa isang pakikipag-usap kay Billy Crawford, napag-alaman ko na naging matagumpay naman ang pagtigil niya ng Paris, France ng apat na buwan. Nagawa niyang makapag-recording na babalikan niya para i-promote kapag handa na ang lahat.

“Natakot ako nung una dahil baka wala nang ma­ka­a­lala sa akin. Matagal din akong hindi nakabalik ng France. Nagulat pa ako nang pagdating ko ng air­port eh maraming nag-aabang sa akin. Buti na lang nakapagpapayat ako. Kung hindi baka hindi nila ako nakilala. Bukod sa paggawa ko ng album ay ipinagpatuloy ko ang pagpapapayat dun. Ayaw ko namang ma-disappoint sila kapag nakita nila ’yung un­wanted pounds ko. Okay na ’yung nagkaedad ako, hindi ito mapipigilan pero ’yung pagiging mataba, makakasira sa image na iniwan ko sa kanila. Suc­cessful naman ako, I lost a lot of pounds, naging fit ako to face them again,” pagmamalaki ng singer.

Umamin din ang singer na hindi lamang siya natakot nang bumalik siya ng France, nag-alala rin siya na baka mahirapan siyang balikan ang career niya roon. Pero tulad ng mainit na pagtanggap sa kanya ng mga Pranses, mainit na welcome rin ang ibinigay sa kanya ng mga Kapamilya niya.

AGOT ISIDRO

AKO

IZA

NIYA

PELIKULA

SHY

VAN DAMME

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with