Pelikula nila Kris, Pokwang, Gov. ER, pinagpipilian para ipa-screen sa Oscars!
Kasama ang Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story na tinatampukan ni Laguna Gov. ER Ejercito sa pitong pelikula na pinagpipilian ng isang eight-member committee na binubuo nina Direk Eddie Romero, Robert Arevalo, Jose N. Carreon, William Mayo, Manny Morfe, Jess Navarro, Elwood Perez, at Gina Alajar para maging lahok ng Pilipinas na pagpipilian para sa best foreign language film category ng 85th Oscars.
Ang pito pa ay ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa ni Alvin Yapan, Busong ni Aureus Solito, Segunda Mano ni Joyce Bernal, Captive ni Brillante Mendoza, A Mother’s Story ni John Lazatin, at The Witness ni Muhammad Yussuf.
Ipinadala last year ang Ang Babae sa Septic Tank na napanalunan ng A Separation ng bansang Iran. Ang awards night ng Oscars ay magaganap sa Feb. 24, 2013 pero bago ito, kailangang makapili nang ating magiging entry para makasama sa list of nominees na ilalabas sa Jan. 15 ng susunod na taon din.
Habang hindi binibigyan ng trabaho ng GMA, Jake abala sa Indie Film
Sa kabila ng wala siyang assignment sa GMA 7 matapos ang Tween Hearts at Pepito Manaloto, hindi naman nababakante ang batang aktor na si Jake Vargas. Patuloy pa rin naman ang mall shows niya. Nakapagsimula na rin siya ng isang indie film na this early ay sinasabing magtataas ng kanyang estado bilang artista.
Pinamagatang Delusyon at sa direksiyon ni Neil Buboy Tan, isang mapaghamong role ang ginagampanan ni Jake bilang isang drug dependent. Sa isang eksena na kinunan para sa pelikula, pinalakpakan si Jake hindi lamang ng mga nanonood ng shooting kundi maging ng kanyang direktor dahil sa husay sa pag-arte na kanyang ipinamalas.
Kasama ni Jake sa Delusyon sina Julio Diaz, Romano Vasquez, at Jao Mapa. Gumaganap na ina niya si Ara Mina at si John Angelo ang ama, isang dating member ng That’s Entertainment (Monday Group) at siya ring producer ng pelikula.
Sa telebisyon ay may inihahanda ang GMA 7 na isang serye para sa muling pagsasama nila ni Bea Binene. Ibabalik din muli sa ere ang Pepito Manaloto kung saan ay ginagampanan niya ang role ng anak ni Michael V. at Manilyn Reynes. Napapanood pa rin siya regularly sa Walang Tulugan with the Master Showman bilang isa sa mga young co-host ni German Moreno.
Eugene gustong pabilibin si Nora sa Bona
Timing ’yung pagkakabigay ng role ni Bona kay Eugene Domingo, nasa bansa si Nora Aunor na siyang orihinal na gumanap ng role nun sa pelikula kapareha ni Phillip Salvador.
Pareho ang istorya na tatakbo sa unang Bona at sa revival nito na tungkol sa isang fan at sa kanyang idolo. Ginawa lamang moderno ang bagong bersiyon dahil isang call center agent na ang movie fan at isang contestant sa isang artista search ang kanyang iidolohin.
Isang Noranian si Eugene na nagdalaga sa panonood ng mga pelikula ng award-winning actress-singer kasama ang kanyang ina. Layunin niya ang maaliw ang Superstar kapag nanood ito ng palabas nila.
“Pero siyempre hindi ko siya gagayahin, hindi ko kakayanin. Iba siya. Gagawa ako ng sarili kong bersiyon na sana ay magustuhan niya,” sabi ng komedyante.
- Latest