Hinintay lang ma-expire ang contract... Guwapong Kapamilya aktor malilipat-bahay sa GMA
Sunud-sunod ang lumilipat sa GMA Network galing sa ABS-CBN. Kumpirmado na ang paglipat ni direk Dondon Santos para mag-direk ng Indio, ang epic fantasy at first soap ni Sen. Bong Revilla sa GMA 7 kasama sina Rhian Ramos at Jennlyn Mercado.
Pipirma na rin ng kontrata sa GMA Artist Center at GMA 7 si Lauren Young na si Pia Magalona ang manager. May aktres din na nagsimula sa Channel 7, lumipat sa Channel 2 at ngayon ay babalik sa Kapuso.
Lilipat din ang guwapong aktor na matagal nang Kapamilya. Hinintay nitong mag-expire ang kontrata sa ABS-CBN, maayos na nagpaalam kung puwede siyang lumipat. Naghanap ng bagong manager at dapat last Tuesday, nakipag-meeting na sila ng bagong manager sa bossing ng Channel 7 pero dahil sa malakas na ulan, hindi natuloy ang kanilang meeting.
Pero tuloy na ang kanyang paglipat at may project na agad na gagawin, bukod sa guesting, agad siyang bibigyan ng regular show.
International singers and novelist naaalala ang Pilipinas
Kaka-touch sina Michelle Branch, Neil Gaiman at Will.i.am ng Black Eyed Peas na nagparating ng pakikiramay sa matinding baha na naranasan ng Pilipinas.
Tweet ni Michelle na nag-concert na rito: “Reading news of the flooding in the Phils.. Thinking of you all. Stay safe! #PrayForThePhilippines.”
Tweet naman ni Neil Gaiman, English author, short fiction, novel, book and comic writer na nagpunta na rin dito for a book signing: “Sending love and worry to the Phils. (We’ll also send aid donation using #reliefPH.”
Sunod naming nabasa ang tweet ni will.i.am ng Black Eyed Peas na ilang beses nang nag-concert sa bansa: “Pray for the Phil…my best friend @apl.de has family in Manila…pray for @apl.de beautiful country.”
John Prats at Sam tumulong sa mga sinalanta
Sayang at hindi nakunan ng video o picture ang magkaibigang John Prats at Sam Milby na sumugod sa Marcos Highway area para tumulong sa mga binaha.
Iba naman ang experience ni Carla Abellana sa baha, naabutan ito ng baha habang nagti-taping ng Makapililing Kang Muli sa may bandang Sto. Domingo at Banawe. Gusto na nitong makauwi, kaya lumusong sa baha. Na-tweet din nitong dahil hindi nakarating ang catering, monay ang dinner nila sa taping.
Samantala, wala pang next soap si Carla ‘pag natapos ang MKM, pero visible pa rin siya sa TV dahil siya ang Journey host ng Protégé: The Battle for The Big Artista Break dahil kasama siya ni Dingdong Dantes sa Gala Night.
Top 16 ng AA at Top 20 ng Protégé, ikinukumpara
Hindi maiwasang pagkumparahin ang Top 16 students ng Artista Academy ng TV5 at Top 20 aspirants ng Protégé: The Battle for The Big Artista Break ng GMA 7 dahil sabay nilang pinakilala ang kani-kanyang aspirants.
Pinakabata sa male students ng AA si Alberto Bruno, 16 y/o, Fil-Italian, may sense of humor kaya bagay siyang comedian at favorite si Michael V sa Bubble Gang. Tingin ng press, siya si Mr. Bean at pati boses, pang-comedy.
Pinakabata naman sa Protégé si Ruru Madrid, protégé ni Phillip Salvador from Zamboanga. Real name nito ang Ruru, parehong former models ang parents at pinsan ang isa sa member ng Masculados, kaya si direk Maryo J. delos Reyes din ang manager. Acting daw ang strength niya, gusto niya drama at dream maging artista.
- Latest