Panggagamit ni Direk Joey kay Judy Ann hindi pinalampas ni Alfie Lorenzo
MANILA, Philippines - Ay, hanggang TV lang naman pala ang pagso-sorry ni Direk Jose “Joey” Javier Reyes sa manager ni Judy Ann Santos na si Alfie Lorenzo. Inako kasi ng direktor ang kasalanan sa pagkuha niya sa aktres na hindi nagpapaalam sa manager nitong si Tito Alfie.
Ang kaso hindi siya pinalampas ng manunulat at pinagkakautangan ng loob ni Judy Ann kaya nakatikim siya.
Maagang nag-sorry ang director pero ang sabi ni Tito Alfie, pang-TV lang ’yun at pulos lang kaplastikan. Ni hindi man lang tumawag sa kanya.
“Hanggang kaplastikan lang sorry sa TV pero ’di man lang nag-effort tawagan ako o i-text so paano ko patatawarin ang bakla, via TV din?
“Hindi pala niya ako kaibigan mas lalo na ako na ever since halata na ang kaplastikan niya! Ang gagang Juday naman kampi pa sa direktor na gumamit lang sa kanya na kelan lang nakipagkilala sa kanya para magamit sa filmfest,” sabi ni Tito Alfie ng tanungin ko (via text message).
“Over me na more than 20 years na lumikha to what she is and where she is now? Bulag talaga ang mga artista! ’Yung current lang ang alam nila! What about the past? Ayaw nila ang history? ’Di ba noon pa laging butata ’yang Reyes na ’yan kina Maryo J (delos Reyes) at Joel Lamangan? Ano’ng nakuha nila sa Lihim nila ENSEMBLE acting award? Wow, talbog ang Hollywood at si Oscar huh! Pampalubag award? Bakit ’di naging best picture ang gawa ni Reyes at talo pa sa best director award? Nagamit na naman ang Judy Ann Santos?” pagtatapos ng message ni Tito Alfie.
Oo nga no, best actress sina Judy Ann nina Janice de Belen, Agot Isidro, and Iza Calzado pero lost ang pelikula.
GMA Network ilulunsad ang bagong Kapuso Station ID ngayon
Masisilayan na ngayong araw ang pinakabagong bersiyon ng GMA 7 Station ID sa 24 Oras.
Ang apat na minutong Station ID ay mapapanood tuwing sign-on at sign-off ng GMA simula Aug. 6. Mapapanood din ito sa mga SM Cinema sa buong bansa simula Aug. 8.
Isa sa mga core value ng GMA ay nagsasabing, “We believe that the viewer is boss.”
Ayon kay GMA chairman at CEO Atty. Felipe L. Gozon, nananatili sa isip at puso ng GMA ang mga kagustuhan at pangangailangan ng mga manonood sa pagbuo nito ng iba’t ibang mga programa.
Aniya, “The Network’s content-creation, programming decisions, and public service efforts are always based on the viewers’ wants and needs. This is one of the guiding values that has brought us to the leadership position we now hold.”
Dagdag naman ni GMA president at COO Gilberto R. Duavit, Jr., “This station ID celebrates our Kapuso relationship with our viewers and serves as an opportunity to show how important this relationship is to us.”
Ayon sa Kapuso Network, ang 2012 GMA Station ID ay ipinapakita ng bawat eksena kung sino ang tunay na nasa puso at diwa ng Kapuso Network. Matutunghayan ang mga Kapuso personality na hawak ang mga larawan ng mga mananood, na siyang nagbibigay inspirasyon ng GMA.
Ang Kapuso husband and wife na sina Ogie at Regine Alcasid ay bubuksan ang kanilang tahanan upang ipakita ang kanilang pinakamahalagang papel sa buhay bilang mga magulang ni Baby Nate, ang pinakabatang Kapuso personality sa Station ID. Hawak nila ang larawan ng isang masayang pamilya.
Ang multi-talented actor na si Dingdong Dantes, na kilala ring advocate ng edukasyon para sa kabataan, ay makikitang hawak ang larawan ng mga mag-aaral kasama ang mga fast-rising star na sina Mikael Daez, Benjamin Alves, at Alden Richards.
Samantala, ang primetime queen na si Marian Rivera, na lumaking malapit sa kanyang lola, ay makikipagsayawan kasama ang mga senior citizen, pati na rin ang primetime princesses na sina Kris Bernal, Sarah Lahbati, at Louise delos Reyes.
Ang sought-after Kapuso leading man at environmentalist na si Richard Gutierrez ay makikipag-camping sa mga bata kasama ang iba pang aktor na sina Mark Anthony Fernandez, TJ Trinidad, at Mike Tan.
Maging ang mga taga-News and Current Affairs ay nagpapakita ng kanilang pangakong gampanan ang Serbisyong Totoo para sa publiko.
Kasama sa powerhouse lineup ng Kapuso personalities sina Michael V., Sen. Ramon “Bong” Revilla, Jr., Cong. Lani Mercado, Tito Sotto, Vic Sotto, and Joey de Leon, Cong. Manny Pacquiao, Carla Abellana, Lovi Poe, Heart Evangelista, Jennylyn Mercado, Rhian Ramos, Dennis Trillo, Aljur Abrenica, Geoff Eigenmann, Elmo Magalona, Julie Ann San Jose, Janno Gibbs, Jaya, Jillian Ward, Arkin Magalona, Mona Louise Rey, at marami pang iba.
Ang soundtrack ng 2012 GMA Station ID ay may panibagong recording ng Kapuso theme Kapuso, Anumang Kulay ng Buhay.
Kinse anyos, pinakabatang milyonaryo ng It’s showtime
Itinanghal na pinakabatang milyonaryo ng It’s Showtime ang isang 15 anyos na estudyante mula sa Makati City matapos itong magwagi ng kabuuang P1,010,000 sa jackpot segment na Showtime Goodtime ng Kapamilya noontime show noong Biyernes (Aug. 3).
Nag-absent pa pala sa eskuwela si Jhaypee Laganas, isang fourth year high school student, para magbakasakali sa larong Arte Mo na naghanap ng mga salamangkerong contestants.
“Ito na ang sagot sa mga panalangin ko. Sabi ko sa Panginoon, handa akong maghintay ng pagkakataon para makaraos lang kami sa buhay,” ayon kay Jhaypee, na bukod sa pag-aaral ay nagtuturo rin ng Bibliya sa mga bata gamit ang magic.
Bukod sa pagpapagamot sa maysakit na lolo, gagamitin din niya ang napanalunang halaga sa pag-aaral niya upang matupad ang pangarap na maging pastor at ng kanyang kuya na kasalukuya’y nasa kolehiyo.
- Latest