Maja, gusto na ring maging singer
MANILA, Philippines - Malaki ang pasasalamat ni Maja Salvador sa pagkapanalo niya ng Best Actress sa nakaraang Urian Awards para sa role niya sa indie movie na Thelma.
Aminado siyang dito nahasa ang kanyang pag-arte.
Ginampanan ni Maja ang papel ni Thelma, isang atleta na nangarap mapabuti ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagtakbo.
“Naka-yapak lang ako pag tumatakbo. For four days straight puro running scenes ‘yung kinukunan. Pero ganun talaga sa indie film, kailangan mong maramdaman ‘yung sakit at lahat ng totoong nararamdaman ng character mo. Hangga’t maari, totoo dapat lahat ng emosyon na ilalabas mo,” aniya.
Matapos matanggap ang award, target ngayon ni Maja ang mga mas seryosong role sa pelikula.
Kabilang sa mga pangarap niyang makasama sa pelikula sina Christopher de Leon, Sharon Cuneta, Vilma Santos, at Judy Ann Santos.
Hindi malayong magkatotoo ang kanyang pangarap, lalo pa at masasabing talagang paangat na ang kanyang career. Kamakailan lamang ay napili siya ng Ginebra San Miguel Inc. bilang brand ambassador ng pinakabago nitong produkto, ang G.S.M. Blue Light. “Sobrang happy ako at sobrang thankful sa GSMI sa tiwalang binigay nila sa akin na i-endorse ang G.S.M. Blue Light,” wika ni Maja na lumabas na sa television commercial ng G.S.M Blue Light na tinaguriang ‘lightest gin in the market.’
Ito ay 50 proof o 25% alcohol/volume at ayon kay Maja ay may “same smooth, sweet, clear G.S.M. Blue taste.” Kaya nga ang sambit sa nasabing commercial ay “magaan ang bawat shot!”
“She is young, driven, and she is not afraid to try new things. In terms of her career, she is not afraid to take on more challenging roles. She has a very promising career ahead,” ani GSMI Marketing Manager Nelson Elises.
Sa kabila ng kanyang tagumpay, marami pang ibang gustong gawin si Maja. Isa na rito ang pagpasok sa recording industry.
“Excited na ako mag voice lessons at ma-explore ‘yung talent ko in singing. Gusto kong maging total performer,” aniya.
- Latest