Pinoy na sasabak sa London Olympics, 11 lang!
MANILA, Philippines - Sasabak na naman sa panibagong hamon ang mga atletang Pinoy sa London Olympics na aarangkada na ngayong linggo.
Ngayong (July 24) sa Patrol ng Pilipino pagkatapos ng Bandila sa ABS-CBN, susundan ni Gretchen Malalad ang kuwento sa likod ng paghahanda at sakripisyo ng mga pambato ng bansa na nag-aasam na makapag-uwi ng parangal mula sa prestihiyosong kompetisyon. Isa na kaya sa kanila ang makakasungkit ng medalya para sa Pilipinas?
Labing-isa ang kinatawan ng bansa sa Olympics ngayong taon pero sa kasaysayan ito na ang pinakamaliit na delegasyon ng bansa simula noong 1932. Sa kabila ng kakulangan sa pondo at pasilidad para sa mga atletang Pinoy, paano nga ba nagagawang maging matatag at inspirado ng mga Olympian para pagbutihin ang laban sa London?
Samantala, hihimayin naman ni Maan Macapagal ang mga isyung ibinabato sa Metro Manila Development Authority dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng yellow lane sa kahabaan ng EDSA na nagbabawal sa mga pampasaherong bus na lumabas sa guhit na ito at dumaan sa mga flyover at ilalim ng mga tulay sa EDSA.
Sinasabing ang pinaigting na batas na ito umano’y nagbibigay ng importansiya sa mga pribadong sasakyan lamang ngunit ayon sa MMDA, isang paraan ito upang mabawasan ang mga aksidente at pagsisikip ng daloy ng trapiko sa kalsada. Ito na nga ba ang solusyon sa matagal nang problema sa EDSA?
Artista Academy magbubukas na!
Ang pinakamalaki at pinaka-intensive na artista search sa bansa ay magsisimula na sa pagbubukas ng Artista Academy ng TV5 ngayong July 30. Ang Artista Academy ang nag-iisang reality-based talent competition sa Pilipinas na nagbibigay ng totoong artista training mula sa isang lehitimong school of television arts. Labing-anim na finalists na may edad 16 hanggang 22 ang magpapaligsahan para sa P20 Million na total prizes at para sa karangalang maitanghal bilang Best Actor at Best Actress ng Artista Academy.
Sa pangunguna ng Artista Academy hosts na sina Cesar Montano at Marvin Agustin, masusundan ng mga manonood ang journey ng mapipiling 16 finalists na sasailalim sa extensive curriculum-based training sa Asian Academy of Television Arts (AATA) para mahasa sa pag-arte at maging certified professional actors na handang gumawa ng kanilang sariling pangalan sa industriya.
Maaalalang naging matagumpay ang one-time grand auditions ng Artista Academy noong June 19 kung saan napuno ng mahigit 13,000 na tao ang SMART Araneta Coliseum. Nagsagawa pa ang Artista Academy ng masusing screening upang mapili ang nararapat na 16 finalists na taglay ang potensyal para maging biggest new stars ng TV5.
Mabibigyan ng full scholarship sa AATA ang 16 Artista Academy finalists at sasailalim sila sa komprohensibong training mula sa pinakamagagaling sa industriya, kabilang ang multi-awarded director na si Joel Lamangan, ang music master na si Louie Ocampo, ang dance guru na si Georcelle Dapat of G Force, at ilan pa sa mga tinitingala at ginagalang na TV professionals at celebrities sa bansa.
Ang acclaimed film and TV director na si Mac Alejandre na siya ring head ng TV5 Talent Center ang director ng Artista Academy. Makakatrabaho niya ang kilalang Entertainment executive at Head ng AATA na si Wilma Galvante.
Bukod sa P20 Million total prizes na mapapanalunan ng Artista Academy Best Actor at Best Actress, bibigyan din sila ng TV5 ng lead roles sa isang teleserye.
“No other program has offered such school-based learning and development from a real academy of television arts. It will truly be a life-changing experience for not just one but two students. This is real fame, fortune, and stardom. This is as real as it can get,” pahayag ng TV5 Creative and Entertainment Production Head na si Perci Intalan.
Ang Artista Academy hosts na sina Cesar Montano at Marvin Agustin ay makakasama ng 16 finalists sa kanilang pag-abot sa kanilang pangarap. Bilang Live Exam Presenter, mapapanood si Cesar tuwing Sabado ng gabi bilang host ng live performance night ng programa. Si Marvin naman ang reality host na magbabahagi ng totoong drama sa buhay ng bawat isang Artista Academy finalist gabi-gabi. Mapapanood din bilang Live Exam critics tuwing Sabado ng gabi ang Grand Slam Actress na si Lorna Tolentino at ang kilalang actress-host na si Gelli de Belen.
- Latest