Magandang aktres na-boo nang rumampa
Hindi pa namin nakukuha ang sagot ng magandang aktres sa tsikang na-boo siya sa nakaraang Victory Party ng FHM. Sabi ng isang saksi, hindi natuwa ang audience sa aktres dahil kulang ng energy at parang napilitan lang rumampa. Kaya sa halip na palakpak, “boo” ang ibinigay sa kanya.
Pati suot ng magandang aktres that night, parang hindi pinag-isipan. Disappointed tuloy ang tao. Sana, naramdaman ng aktres ang malamig na pagtanggap sa kanya ng tao para next year, gawan niya ng paraan.
Goal pa naman ng aktres mag-number one siya sa FHM 100 Sexiest next year, pero paano niya masisilat kay Sam Pinto ang pagiging number one kung low-batt siya nang rumampa? To think na hindi ito ang first time na pagrampa ng aktres, sanay na siya kung tutuusin, pero habang pataas ang number niya sa Top 100, pababa naman ang resistensiya niya.
LT naawa sa tupa
Naaliw kami kay Lorna Tolentino habang nagkukuwento tungkol sa stem cell therapy procedure sa Germany sa launching ng new TV5 shows - Third Eye at Artista Academy na pareho siyang kasama. Sa una, aarte siya at sa pangalawang show, isa siya sa Live Exam Critic every Saturday, kasama si Gelli de Belen.
Naawa ang aktres sa black sheep na pinagkunan ng cell na in-inject sa kanya. “Nakaka-konsyensiya,” sabi nito. Ikinuwento rin ni LT na mabilis ang epekto sa kanya ng stem cell theraphy, hindi na sumasakit ang kanyang likod at tuwid na ang paglalakad.
Dati, kailangan pang pukpukin ang mga hita niya para maayos siyang makapaglakad, pero three months pa talaga makikita ang changes. Willing si LT na ulitin ang proseso at pangako niyang babalik siya.
Matagal na rin gustong magpa-stem cell theraphy ni Zsa Zsa Padilla dahil din sa scoliosis at malamang this year matupad na ito.
Samantala, sa July 29, 9:30 p.m., ang premiere ng Third Eye sa direction nina Topel Lee, Robert Quebral, Benedict Mique, at Rahyan Carlos.
Joross nakakain ng ebs ng tao
Sobrang graphic magkuwento si Joross Gamboa sa experience niya sa shooting ng Intoy Syokoy ng Kalye Marino. Nakakain daw siya ng dumi ng tao at may dumi rin ng tao na matagal nakadikit sa mukha niya at ang lagay na ‘yun, kumakain kami ni Rose Garcia habang nagkukuwento ang aktor. ‘Kaloka!
Si Asiong Salonga ang peg ni Joross sa role niyang si Bertong Baka sa Intoy Syokoy, kaya hindi na nagpagupit ng buhok. Worth it para kay Joross ang hirap na dinanas sa shooting dahil maganda ang kanilang pelikula.
Pitong News And Public affairs show ng TV5 titigbakin na
Dapat bang kabahan ang ABS-CBN at GMA 7 sa pahayag ni Mr. Ray Espinosa, TV5 CEO na “It’s hard to hire creative. We’re on a hiring mode to get the best soap talents (writers, directors, etc).”
Pagkatapos ng mga talent, creative na ang hinahanap ng network, ‘di kami magugulat kung writers at directors ang sunod na lilipat sa TV5.
Samantala, balitang-balita na seven News and Public Affairs shows ng TV5 ang mawawala dahil hindi nagre-rate, hindi binanggit kung aling shows ito, pero may nagre-request sa management ng network na i-retain ang Insider, USI, at Tutok Tulfo dahil tumatatak sa viewers.
- Latest