GMA Kapuso Foundation nag-turnover ng mga classroom sa Iligan
MANILA, Philippines - Nag-turnover ang GMA Kapuso Foundation (GMAKF) ng pitong bagong gawang silid-aralan sa Mandulog Elementary School sa Barangay Mandulog, Iligan City bilang bahagi ng kanilang long-term rehabilitation program para sa mga nasalanta ng bagyong Sendong.
Pinangunahan ni GMAKF Executive Vice President at COO Mel Tiangco ang inauguration ng mga silid-aralan na ginanap noong June 15. Dinaluhan ito nina Iligan City Mayor Lawrence L. Cruz, District Congressman Vicente Varf Berlmonte, Schools Division Assistant Superintendent Roy Angelo G. Gazon, Mandulog Elementary School principal Zenaida P. Simon, at Mandulog Brgy. Captain Dianalan Pagsidan. Dumalo rin sa ribbon cutting ceremony sina Iligan City Vice Mayor Henry C. Dy at Department of Education (DepEd) District Supervisor Ompah R. Pagsidan.
Bago ito ay namahagi muna ang GMAKF ng mga school supplies at nagsagawa ng isang environmental symposium at tree planting activity sa paaralan.
Bukod sa mga basic requirements ng isang standard DepED classroom, taglay din ng mga silid-aralang ito ang modernong disenyo ng mga Kapuso School Development (KSD) classrooms, at naglalaman ng mga karagdagang kagamitan na mas makakatulong sa pag-aaral ng mga estudyante.
Pinagmamalaki ng GMAKF na gawa ang classrooms base sa Light Steel Frame Technology.
Ang dating Mandulog Elementary School ay malapit sa Kapay River na umapaw noong kasagsagan ng Sendong. Nasira ang lahat ng classroom at administrative buildings sa paaralan.
Nagsimula ang pagbuo ng mga classroom bandang kalagitnaan ng Abril hanggang Mayo sa pakikipagtulungan ng mga skilled workers, army volunteers, at Kapuso Village beneficiaries upang siguruhin na mayroong mga nakahandang silid-aralan sa pagbubukas ng klase ngayong Hunyo.
Bukod sa mga silid-aralan, itinurnover din ang isang deep-well electric water pump na may service shed sa mga biktima ng Sendong sa Sitio Cabaro, Barangay Hinaplanon, isang malaking Muslim community at ang ikalawang pinaka-napinsalang barangay sa Iligan.
- Latest