Eskwelahan sa loob ng Bilibid, papasukin
Manila, Philippines - Marami ang nag-aakalang itinapon na ng mga preso ang ilang taon ng kanilang buhay sa pagkakapiit sa kulungan. Ngunit para sa ilang bilanggo ng New Bilibid Prison, isa itong pagkakataon na makuha ang college degree na kanilang inaasam.
Ngayong gabi sa Patrol ng Pilipino, 9:15 p.m. papasukin ni Ryan Chua ang Bilibid sa Muntinlupa City para tuklasin ang pamumuhay ng mga bilanggong nag-aaral sa ilalim ng Bilibid Extension Program, na naglalayong mabago ang mga preso sa pamamagitan ng edukasyon, livelihood training, at mga gawaing magpapaunlad sa kanilang kakayahan.
Ipapakita ni Ryan ang Bilibid bilang isang lugar ng kaalaman sa pamamagitan ng mga nakakaantig na istorya ng mga presong nagsipagtapos sa programang ito.
Isa na rito si Archie, na nakapagtapos na sa kanyang kurso ngunit dahil hindi pa tapos ang sentensiya ay nagtuturo muna ng edukasyong pangkabuhayan sa kapwa inmates. Bukod sa kaunting allowance na kanyang nakukuha, unti-unti ring nababawasan ang mga taong inilalagi niya sa Bilibid dahil sa pagtuturo.
Samantala, ilalahad naman ni Zyann Ambrosio ang nakakakilabot na kuwento ng mga menor de edad na biktima ng panggagahasa. Dumarami nga ang bilang ng mga musmos na pinagsasamantalahan at isa rito si Janine, isang dose anyos na sa loob ng siyam na buwan ay magiging ganap na ina na. Alamin sa ulat ni Zyann kung paano makakatulong ang pamilya at komunidad sa mga biktimang gaya ni Janine.
- Latest