Rufa Mae sinisiraan?!
Totoo naman kaya na ganun kalaki ang talent fee na hinihingi ni Rufa Mae Quinto para maging co-host siya ng programang Wil Time Big Time? Eh kung ‘yun ang inaakala niyang worth niya, sino ang maka-kakwestiyon sa kanya? Tutal naman siguro ay umuulan ng pera sa TV5 kaya itinodo na niya ang presyo niya.
Maraming recruits ang TV5 na binabayaran ng mas malalaking halaga, bakit nga naman hindi siya? ‘Yun nga lang hindi yata kinagat ang demand niya kaya balik Siyete siya may ilan pang negatibong balita na ikinabit sa kanya. Buti na lang, hindi siya nag-resign sa GMA 7, meron pa siyang binalikan. ‘Yan ang laro sa showbiz ngayon.
Isabelle walang malungkot na karanasan
Inamin ni Isabelle Daza na mahihirapan siyang umiyak sa Faithfully. Pinaka-bago siya sa limang artistang babae na bida sa nasabing teleserye ng GMA 7. At wala pa siyang karanasang malungkot na mahuhugutan niya ng emosyon kaya kapag nagampanan niya ng maganda ang kanyang role at napabilib niya ang manonood sa kanyang mga eksenang madrama, eh baka lumabas pa siyang pinaka-magaling sa kanilang lima. Pero nagtitiwala siya na matutulungan siya ng malaki ng kanilang direktor na si Mike Tuviera para makapagbigay siya ng isang magandang performance.
Mr. Gozon nagpaka-honest
Maari nang makapagmalaki ng husto ang ABS-CBN dahil inamin mismo ng pangulo ng pinaka-malakas na kalaban nilang network na nagagandahan ito sa isa nilang teleserye, ang Walang Hanggan.
Pinupuri ko ang pangulo ng aming kumpanya sa kanyang pagiging matapat sa pagsasabi ng kanyang opinyon bagaman at wala namang dapat ipagtaka kung nanonood man ito ng mga palabas ng mga kalabang network.
Must ito sa kanyang trabaho, para malaman din niya kung saan nakatayo ang mga palabas ng Siyete pagdating sa paghahambing dito sa mga palabas ng kalaban.
Sigurado ako na may mga palabas din ang Siyete na pinapanood at nagagandahan din ang mga execs ng ibang networks. O don’t deny, don’t tell a lie.
Maging kasing-honest din sana kayo ni Atty. Felipe Gozon.
- Latest