Hindi lang basta libel, Jodi naghahanda ng demandang ikagugulat ni Iwa!
PIK: Lalong naging kapana-panabik na ngayon ang mga tagpong aabangan n’yo sa Kasalanan Bang Ibigin Ka? nina Jackie Rice bilang si Erika at si Geoff Eigenmann bilang si Jake.
Committed na kasi si Erika kay Jaime (Michael de Mesa) kaya gusto na niyang tapusin ang ano mang nararamdaman nito kay Jake. Pero habang pilit nila ni Jake na inilalayo ang kanilang sarili, lalo namang umiinit ang pagmamahalan nila sa isa’t isa.
PAK: Tahimik lang muna ngayon si Jodi Sta. Maria sa mga pasabog ni Iwa Moto laban sa kanya.
Ayon sa ilang mga taong malapit sa aktres, ayaw na lang patulan nito si Iwa pero titiyakin nitong mabigyan siya ng pagkakataong masagot ito.
Ang pagkakaalam namin, may pinaghahandaang demanda si Jodi laban kay Iwa. Hindi lang yata libel ang ikakaso nito kundi meron pa na ikagugulat ni Iwa.
BOOM: Nasa Amerika pa rin si Tita Annabelle Rama kaya wala pa kaming nakukuhang statement niya kaugnay sa warrant of arrest na inisyu laban sa kanya.
Nadagdagan pa ito ng kasong libel din na isinampa naman ni Amalia Fuentes laban sa kanya.
Isinampa ni Amalia ang kasong ito sa Quezon City Prosecutor’s Office kamakalawa ng hapon. Idinamay pa niya sa kaso si Bianca Gonzales na may isinulat sa column nito.
Ang huling tweet lang na nakuha namin kay Tita Annabelle kamakailan lang: “Malinis ang konsensiya ko. ’Di ako criminal, at ’di ako pumapatay ng lechonin na baboy, masama yun.
“Sa lahat ng taong walang utang na loob, darating din ang matinding karma sa inyo. Wala kayong ginawa kundi sundan ang mga kilos ko. Palibhasa wala kayong mga trabaho.”
Nai-tweet ’yun ni Tita Annabelle nang lumabas ang warrant of arrest. Wala pa kaming nakuhang reaksiyon sa pagsampa naman ni Amalia ng demanda laban sa kanya.
- Latest