ABS-CBN may sariling newsroom na pang-online
Manila, Philippines - Mas madali ng makakuha ng pinakasariwang mga balita sa Kapamilya Network ang mga mamamahayag, bloggers, at buong komunidad sa online sa paglulunsad ng ABS-CBN ng ABS-CBN Social Media Newsroom, ang pinakaunang social media newsroom ng isang TV network sa bansa.
Sa pamamagitan ng ABS-CBN Social Media Newsroom, lahat ng opisyal na pahayag mula sa ABS-CBN ay matatagpuan sa isang website. Maaari rin itong i-share agad sa ibang social networking sites tulad ng Twitter, Facebook, at Goggle+ sa isang pindot lang.
“Ang ABS-CBN Social Media Newsroom ay magandang halimbawa ng komunikasyon sa digital world. Sa pamamagitan nito, napapalapit ang ABS-CBN sa mga stakeholders at katuwang nito sa loob at labas ng bansa na nais malaman ang mga bagong balita sa aming programa at serbisyo,” sabi ni Bong Osorio, corporate communications head ng kumpanya na dating regional director ng International Association of Business Communicators sa Asya.
Nilalaman ng ABS-CBN Social Media Newsroom ang mga press o photo releases tungkol sa ABS-CBN kabilang na ang mga subsidiary nito; video plugs ng pinakabagong mga programa; kopya ng panayam sa mga Kapamilya stars at executives; RSS feed features; at clippings tungkol sa sinasabi ng media sa ABS-CBN.
Ayon naman kay Kane Errol Choa, corporate affairs and PR director, ang digital communication ay nagbibigay daan para mas mapabuti ang palitan ng impormasyon sa pagitan ng ABS-CBN at ng mga tumatangkilik nito.
“Ginawa naming user-friendly ang disenyo ng ABS-CBN Social Media Newsroom at naglalagay ng press releases sa nakasulat at nakaayos ayon sa gusto ng mga mamamahayag at blogger,” dagdag niya.
Mag-log on lang sa www.abscbnpr.com para tignan ang pinakabagong mga materyal hatid ng ABS-CBN Social Media Newsroom. Maaari rin itong mabasa via RSS feeds sa inyong smartphones. Mag-download lang ng RSS reader applications tulad ng Google Reader, Taptu, at Flipboard sa inyong iOS, Android, o Windows phones.
Maaaring kunin o kopyahin ng mga manunulat at bloggers ang press materials sa site at maaari rin silang gumawa ng sarili nilang materyal base rito o sa mga matatagpuang interview transcripts at audio o video materials.
- Latest