Jessica Sanchez pinagsabihan ni P-noy na magpraktis magsalita ng Tagalog
MANILA, Philippines – Pinayuhan ni Pangulong Benigno C. Aquino III ang American Idol runner-up na Filipino-Mexican-American na si Jessica Sanchez na magpraktis magsalita ng wikang Filipino.
Ginawa ng Pangulo ang payo nang magkaharap sila ni Sanchez at ng Pinoy-American pop-hip-hop star na si Apl.de.Ap sa Hilton Hotel sa Los Angeles kasabay nang pagdalaw niya sa United States.
Naganap ang kanilang pagkikita at pagtsitsikahan pagkatapos ang pakikipananghalian ng Pangulo sa State Department na handog ni State Secretary Hillary Clinton at pagkaraang makipagpulong siya kay US President Barrack Obama.
Sinabi naman ni Jessica sa isang panayam na ikinararangal niyang makaharap si Pangulong Aquino. Kasama niyang humarap kay P-noy ang ina niyang si Edith.
Nagpahayag ng kagustuhan si Jessica na makauwi sa Pilipinas.
Nagpasalamat din si Jessica sa Pangulo dahil sa ipinakitang suporta noong lumaban siya sa American Idol.
Hindi naging bukas sa media ang pag-uusap ng Pangulo at ni Jessica pero nagkaroon naman ng photo opportunity.
Binigyan pa ng Pangulo ng pasalubong na chicharon ang singer ng Black Eyed Peas member na si Apl De Ap.
Pagkatapos ang pakikipag-usap sa dalawang sikat na singer, nagsalita ang Pangulo sa Filipino community sa Los Angeles bago ito tumulak pabalik ng Pilipinas.
- Latest