Slater, gagawa ng kasaysayan
Manila, Philippines - Samahan si Kuya Kim Atienza at Pinoy Big Brother (PBB) Unlimited big winner Slater Young sa isang libreng educational field trip para tuklasin ang mga natatanging simbolo ng bansa at para isiwalat ang lihim ng makasaysayang mansiyon ng unang presidente ng Pilipinas ngayong Linggo (June 10), 9:15 a.m., sa Independence Day Special ng Matanglawin.
Ibabahagi ng Trivia King ang halaga sa kasaysayan ng mga itinuturing na pambansang simbolo, kabilang ang watawat ng Pilipinas. Sa labis na halaga nito, ang Araw ng Kalayaan na noon ay ipinagdiriwang tuwing Hulyo 4, ay pinalitan nang Hunyo 12 na siyang ng unang araw nang iwinagayway ito ni Aguinaldo sa Kawit, Cavite.
May pakialam pa kaya ang mga Pilipino sa mga pambansang simbolong ito? Aalamin ito ni Kuya Kim sa pamamagitan nang biglaang pagsubok sa ‘madlang people’ na kantahin ang Pambansang Awit ng Pilipinas. Makanta kaya ito ng tama at kumpleto ng madlang people?
Samantala, habang sinusuri ni Kuya Kim ang pagkamakabayan ng mga Pilipino, papasukin naman ni Slater ang makasaysayang ‘Independence balcony’ ng Aguinaldo mansion kung saan unang ipinroklama ang kalayaan ng Pilipinas. Sinasabing ang bahay na ito ay may lihim na lagusan patungo sa simbahan sa Kawit, Cavite. Totoo kaya ito?
Kaabang-abang rin ang paglikha ni Slater ng kasaysayan bilang kauna-unahang celebrity guest na bumaba sa bomb shelter ng mansiyon ng mga Aguinaldo.
Ang Matanglawin ay bahagi ng malawakang kampanya ng ABS-CBN na Bida Best Kid na naglalayong isulong ang kapakanan ng mga bata sa pamamagitan ng paggawa ng mga pogramang nagpapakita ng mabubuting asal at pagpapahalaga.
- Latest