Ahas naging unti-unti ang pag-angat
MANILA, Philippines - Muli na namang magpapamalas ng kanyang kamandag ang WBO light flyweight champion na si Donnie “Ahas” Nietes sa kanyang pagdepensa ng titulo laban kay Felipe Salguero ng Mexico sa Pinoy Pride XIV: Night of Champions ngayong June 2.
Si Nietes ay isa sa limang Pinoy world champions kasama sina Manny Pacquiao, Nonito Donaire, Brian Villoria, at Sonny Boy Jaro. Minsan na rin siyang binansagan ng batikang trainer na si Freddie Roach na susunod kay Pacquiao na may pinaka-magaling na kamay na Pinoy boxer.
Gaya nang madaming boksingero sa Pilipinas, si Nietes, na may kartadang 29-1-3 (16 KOs), ay nagsimulang mangarap ng malaki sa murang edad. Nag-umpisa siya bilang janitor at utility boy sa ALA Boxing Gym, at isa sa kanyang trabaho noon ay pakainin at linisin ang limang sawang alaga ng kanyang among si Tony Aldeguer, na nang malaunan ay nagbansag sa kanya bilang Ahas.
Dala ang kanyang tapang at tibay ng dibdib mula sa araw-araw na pakikipagsapalaran sa mga ahas, nilapitan ni Nietes ang ALA (Antonio Lopez Aldeguer) upang subukan ang pagboboksing. Dito na nagpursigi nang husto ang Bisaya sa training, at nagbunga ang lahat ng dugo at pawis nang siya ay maging world champion noong 2007.
Bagama’t hindi pa nakakalaban sa Estados Unidos ay nakapagsanay naman si Nietes sa tanyag na Wild Card Boxing Gym.
Marahil ang pinaka-malaking inspirasyon na ni Nietes ngayon sa pagboboksing ay ang kanyang siyam na buwang gulang na anak na si Dionne Nicole Nietes. Dahil din dito, matalinong nagpundar ng mga negosyo si Nietes, kabilang na ang maliit na babuyan, at agrivet business.
Sa tulong naman ni Tony Aldeguer, ay nakapagpatayo na ng sariling bahay si Nietes na ginawa pa mismo ng kanyang ama at tiyuhin.
Hindi lang puro pagboboksing ang inatupag ni Nietes, dahil sa kanyang libreng oras ay mahilig siyang mag-biking at miyembro din ng Bike Talk Friendship Club.
Tila hindi na maawat ang pag-angat ng galing ni “Ahas,” kaya sundan siya kasama sina Genesis “Azukal” Servania, at Milan “El Metodico” Melindo sa kanilang hangaring muling i-angat ang bayan sa mundo ng boksing sa Pinoy Pride XIV: Night of Champions.
Mula sa Resorts World Manila Newport Performing Arts Theater, masusubaybayan ang sagupaang ito via satellite sa ABS-CBN sa darating na June 3, Linggo, 10:15am.
Ipapalabas naman ang replay nito sa parehong araw sa Studio 23, ganap na 1:30pm, at sa Balls Channel sa Biyernes, June 8, 4:00pm.
- Latest