Pacman inindyan si Jessica Sanchez
MANILA, Philippines - Pasok na sa Top 3 ng American Idol si Jessica Sanchez.
Muling nakaligtas sa elimination ang Pinay-Mexican singer.
Tsugi si Hollie Cavanagh.
Halos abot-kamay na ang pagiging American Idol ni Jessica kaya tuloy ang pangangampanya ng mga Pinoy sa Amerika.
Samantala, kumalat noong Huwebes ng gabi sa Pilipinas na manonood ng live si Manny Pacquiao ng American Idol pero hindi raw natuloy dahil hindi na kinaya ng sked ng boxing champion na rumampa rin sa Hollywood Red Carpet Premiere ng The Road na ginanap sa Arclight Theater in Los Angeles, CA.
Ang sabi kasi, tutulong si Pacman na ikampanya si Jessica para mas tumaas pa ang boto nito.
Richard ‘nakialam’ sa production team ng Pinoy adventures
Totoo raw na it’s more fun in the Philippines. At ito ang patutunayan ni Richard Gutierrez sa pagharap niya sa iba’t ibang matitinding adventures sa pagsisimula ng bago niyang programa, ang Pinoy Adventures, ngayong Linggo, May 13.
Naiiba sa ordinaryong travel show, ang Pinoy Adventures ay isang weekly public affairs program na iikot sa iba’t ibang sulok ng bansa sa paghahanap ng mga tagong paraiso, cultural treasures, at iba pa – pati na ang adventures na kasama nito.
Dagdag pa ni GMA AVP for Public Affairs Neil Gumban, “Pinoy Adventures is all about exposing the Filipino viewers to fantastic, magical and astounding places in the country that they rarely see on television. With Richard Gutierrez as their tour guide, it would definitely be a one of a kind treat that they cannot miss.”
At dahil sa ganitong tema ng programa, inaasahang muling mapapasabak ang host nito na si Richard na kilala rin bilang environmentalist at triathlete. Ilan sa mga susubukang adventures ni Richard ay cliff diving, rappelling, scuba diving, pag-zip line, at marami pang iba.
Bukod sa pagiging host, mistula na ring bahagi ng production team si Richard. Ayon sa program manager na si Patty Gutierrez, “More than a pretty face, Richard has very deep insights on every experience he goes through. He has a very sincere appreciation of nature, the beauty of the Philippines and the different culture he encounters.”
Mapapanood ang pilot episode ng Pinoy Adventure ngayong Linggo, pagkatapos ng I-Bilib sa GMA Network.
Kiray hindi nagpatalbog kay Ruffa, The Mommy Returns pinilahan!
Tagumpay ang Regal Entertainment, Inc. sa kanilang Mother’s Day presentation na The Mommy Returns! na kasalukuyang tumatabo sa takilya! Pinilahan nga ang horror-comedy film na pinagbibidahan nina Gabby Concepcion, Ruffa Gutierrez at Pokwang nung opening day last May 9 at inaasahang lalaki pa ang kikitain nito hanggang sa mismong araw ng mga ina sa Linggo, Mayo 13.
Sa simula pa lang ng movie, hagikgikan na ang mga manonood.
Magagaling din ang tatlong bagets na lumabas na anak. Seksi-seksihan ang drama ni Kiray bilang panganay na anak. Natural din ang kanyang pagpapatawa at marunong din siyang magdrama. Hindi siya nagpatalbog sa moments niya with Ruffa!
Eh ang baguhang si Gerald Pasigan? Scene stealer ang bagets bilang batang beki. Tawang-tawa sa kanya ang manonood na marunong mag-adlib at kering-keri ang pagiging batang bading! Hanggang sa ending ng movie, umeksena pa rin si Gerald!
Of course, maliban sa pagpapatawa at pananakot ng movie, isinaalang-alang pa rin ang kahalagahan ng isang ina sa movie. Kahit ayaw sa kanya ng mga step children, feel na feel sa mga eksena ni Ruffa ang intensiyong mapalapit sa kanya ang mga anak ng pinakasalan niya (Gabby).
Gayundin si Pokwang na gagawin ang lahat, huwag lang mapunta sa ibang babae ang pangangalaga ng mga anak. Eh, dahil nakita niyang sincere ang pagmamahal ni Ruffa sa naiwang anak, nagpaubaya na si Pokwang at masaya nang umakyat kasama si Sweet.
Simple at nakakatawa ang The Mommy Returns! subalit may damdamin din ang pelikula!
- Latest