Slater seseryosohin ang pag-arte!
MANILA, Philippines - Walang subok na formula o estratehiya para manalo sa kumpetisyon o umabot sa Big Night. Iyan ang nag-iisang payo ng Pinoy Big Brother Unlimited Big Winner na si Slater Young sa kasalukuyang housemates ng PBB Teen Edition 4 para tumagal sa loob ng Bahay ni Kuya at suportahan ng taumbayan.
Ayon pa kay Slater, tanging pagpapakatotoo lamang sa sarili ang nararapat na ipakita ng sinumang maghangad na maging housemate, anuman ang kanilang intensiyon sa pagpasok sa sikat na bahay.
“Ipakita mo lang ang talagang ikaw sa loob ng bahay. Hindi maganda ‘yung magiging epekto sa housemates na nagpaplano o nag-iisip ng strategy para manalo lalo na sa paglabas nila,” giit ni Slater na isang licensed civil engineer.
Maaaring nalayo na nga siya mula sa mga mapagmatyag na camera ng PBB house ngunit determinado siyang matutong umarte dahil sa matagal nang pangarap na maging isang aktor. Sa katunayan, nakapagdesisyon na rin si Slater na manirahan na sa Maynila para sa planong pasukin ang showbiz.
“Gusto ko talagang mag-acting at mag-drama. Sa ngayon, workshop lang nang workshop hanggang sa magkaroon na ng project,” saad niya.
Matapos magkamit ng higit sa 40% ng mga boto para tanghaling Big Winner, hindi malayong suportahan ang kagustuhan niyang maging isang “seryosong aktor,” gaya na lamang ng mga idolong sina John Lloyd Cruz at Pen Medina. Iginiit din niya ang pangarap na makapareha ang host at aktres na si KC Concepcion dahil sa likas na ganda nito.
“Dati ko pa talagang crush si KC kasi sobrang simple niya pero alam mong may class pa rin siya,” aniya.
Kahit pa itinuturing na isang ‘landslide victory’ ang pagkapanalo niya sa PBB, hindi pa rin siya halos makapaniwala sa atensiyong kanyang nakukuha. Naninibago pa rin siya na nilalapitan siya sa mall at iba pang lugar ng mga tao para makipag-picture o batiin siya. Nakatataba raw ng puso sa tuwing nakakatanggap siya ng papuri tulad noong siya’y nilapitan ng isang nanay sa mall kamakailan at sinabing sinuportahan siya dahil sa magandang asal na ipinakita nito sa loob ng PBB house.
Kilala bilang kauna-unahang lalaking Big Winner ng regular na edisyon ng PBB, hinirang na Big Winner si Slater matapos makakuha ng 40.02% ng kabuuang bilang ng text votes at nagwagi ng P2 milyon, isang appliance showcase, Asian tour package, isang Internet TV, isang water-refilling store franchise, at special appearance sa isang Kapamilya program sa Estados Unidos.
Napagkasunduan na rin niya at ng kanyang ama na gamitin ang parte ng napanalunang halaga sa pag-aaral ng mga anak ng mga empleyado ng kanilang negosyo. “Nasimulan na namin dati pa na magpaaral ng anak ng mga empleyado na matagal na sa amin. Kadalasan, mga nag-aaral ng engineering at nursing kasi malaki ang gastos nun,” saad niya.
Mula sa isang mayamang pamilyang nagmamay-ari ng malaking construction company sa Cebu, ginusto ni Slater na maging housemate upang patunayaan ang sarili sa kabila ng karangyaan sa buhay. Nagpamalas siya ng angking talino at diskarte sa mga pagsubok sa loob ng PBB house at ng kabutihan sa kapwa niya housemates.
Dinaig niya ang 32 housemates ng edisyon kabilang na ang tatlong katunggaling Big Four housemates na sina Pamu Pamorada, Joseph Biggel, at Paco Evangelista.
Itinanghal na Second Big Placer si Pamu sa pagkakakuha ng 21.49% ng mga boto at nag-uwi ng P1 milyon.
Third Big Placer naman ang taga-Marinduque na si Joseph Biggel na nagkamit ng 21.39% ng mga boto at wagi ng P500,000.
Ang wildcard housemate namang si Paco ang Fourth Big Placer na nagkamit ng 17.10% at nag-uwi ng P300,000.
- Latest