Janice kinuwestiyon ang sarili sa pagda-drugs noon ni Igi Boy
Noong Sabado ay isang eksklusibong panayam kay Igi Boy Muhlach ni Carmina Villarroel ang napanood natin sa Showbiz Inside Report. Ikinagulat ng lahat ang mga naging rebelasyon ng anak nina Janice de Belen at Aga Muhlach sa kauna-unahang pagkakataon. Inamin ni Igi Boy na mayroon siyang mga pinagdaanang pagsubok katulad na lamang ng paggamit niya ng droga at nagpa-rehab din siya noon. Dagdag pa niya na mismong ang kanyang ina ang nag-desisyon na ipasok siya sa rehab.
Naging emosyonal naman ang reaksiyon ni Janice sa naging pahayag ng kanyang anak.
“Dumating sa punto na lahat ng tao nag-a-advice sa akin, you have to let him go, and let him be on his own. Masakit at mahirap. You have to get out of my house. Noong time na nagda-drugs siya, it was hard for me na maniwala sa ibang tao at tanggapin na hindi ko siya napalaki ng maayos kasi kapag single parent ka, kapag maayos mong napalaki ang anak mo, hindi mo naman makukuha ’yung credit ng solo eh, pero ’pag napariwara ang anak mo, ikaw lang mag-isa ang may kasalanan niyan. I am thankful na nagawa ko lahat ng ito. Iba eh. Ikaw ’yung responsible doon sa pagkatao ng taong ito,” naluluhang pahayag ng TV host-actress.
“There was a point na ito bang nangyayari sa aming mag-ina ay resulta nang nagawang pagpapaluha ko sa aking magulang? Ito na ba ang karma ko? The other half of my brain was telling me, it could be a phase, pareho kaming hindi nagkakaintindihan. Kontrapelo kayong mag-ina. Maybe he was going into certain things na hindi ko masyadong naiintindihan.”
Kahapon sa The Buzz ay naikuwento naman ni Janice na wala siyang pinagsisihan nang ipasok niya si Igi Boy sa rehab.
“Naaawa ako sa kanya, parang gusto kong magbago ’yung isip pero ’yun ang tutulong, what needs to be done, kahit masakit ganoon talaga. Mas masakit siguro kung wala kang ginawa bilang magulang. He wasn’t as bad as I thought. Hindi naman siguro ganoon kalala, pero magulang ka, any amount, any kind malala,” salaysay ni Janice.
Inabot din ng isang buwan si Igi Boy sa loob ng rehab at hindi pa rin naging maayos ang lahat para sa mag-ina. Muling nagbalik ang panganay niya sa mga bisyo nito.
Pagtatapat ng aktres, “Magulo pa rin, wala kaming ginawa ni Luigi kung hindi mag-away. Naging very difficult kami. May fear na rin na meron pa siyang apat na kapatid. Paano ko gagawin lahat ’yun? Paano ko i-deal with ’yung pagpapalaki sa apat niyang kapatid?”
Malaking pasasalamat ni Janice nang magkaroon ng sariling pamilya ang kanyang anak dahil mula noon ay unti-unti nang nagkaroon ng direksiyon ang buhay ni Igi Boy.
“Noong nag-asawa na siya, noong time na ’yun, kung ito ang ikagaganda ng buhay niya at ikaaayos ng buhay niya, then so be it. Hindi ganoon kadali ang maging magulang when you don’t know what to do. Wala sa libro ’yung eksaktong gagawin. Hindi mo makikita ’yun. You have to go with your instinct. You have to pray that what you are doing is right at tama ang magiging outcome,” pagtatapos ni Janice. — Reports from JAMES C. CANTOS
- Latest