Mader Ricky dumayo ng Cebu
MANILA, Philippines - Ngayong Sabado alas-diyes ng umaga’y samahan natin ang beauty gurung host-producer ng show na si Mader Ricky Reyes sa paglipad niya sa Cebu.
Unang handog ni Mader sa Life and Style with Gandang Ricky Reyes ang isang panayam sa grupong Cebu City Dance Sport Team na binubuo ng mga kabataang Cebuano na dati’y streetchildren. Nagsama-sama ang mga batang ito, nagsanay sumayaw, lumahok sa mga timpalak ng sayawan sa ibang bansa at nag-uwi ng maraming panalo kaya ‘di lang Queen City of the South nakikilala ngayon ang Cebu, ito na rin ang tinatawag na Dance Sports Capital of the World.
Dadalawin ni Mader ang isang bahay na kung tawagi’y Green Home. Environment friendly ang nasabing bahay na yari sa mga recycled materials at ayon sa may-ari’y naisip niyang itayo bilang patunay na may solusyon sa global warming. Humanga si Mader sa bahay na mula hardin hanggang mga kuwarto’y tila gawa sa de kalidad na materyales.
Sa Pampanga nama’y dadalhin tayo ng programa sa Stonstenberg na dinarayo ngayon. Pag nasa loob ka ng kakaibang bahay na ito’y iisipin mong ikaw ay nasa ibang planeta.
Ipakikita naman ni Myrna Bituin na isang Kapampangan ang mga muebles na pasadya ng mga miyembro ng Middle East Royal family. Custom made ang mga upuan para sa mga reyna at hari kaya naman, super-mahal ang mga ito.
Malapit sa puso ni Mader ang dating Unang Ginang Amelita “Ming” Ramos. Dadalaw si Mama Ming sa LSWGRR para sa isang espesyal na tsikahan. Kumusta na kaya ang simple, sweet at mabait na ginang?
Mapapanood ang Life and Style with Ricky Reyes GMA News TV.
- Latest