Amy Austria ayaw nang gumawa ng horror films
MANILA, Philippines - Ngayong Huwebes Santo, muling mapapanood ang beteranang aktres na si Amy Austria-Ventura sa TV special na Tanikala : Ang Ikaapat na Yugto. Sa isang natatanging pagganap bilang Lupe sa istoryang Unos, balik-telebisyon si Amy bilang ina na napilitang kumapit sa kadiliman upang masuportahan ang pamilya.
“Ako rito si Lupe, isang mapagmahal na ina sa kanyang mga anak. Ngunit siya rin ay isang babaylan at mangkukulam, na nakuha niya sa kanyang pamilya. Pero mabuting tao siya. Pero for the family, for her children, maski na mali, gagawin niya. Ang tama lang para sa kanya ay maitaguyod niya ‘yung pamilya niya,” kuwento ni Amy.
Nang tanungin kung nahirapan siya sa role, inamin ni Amy na hindi siya naging kumportable sa kanyang pagganap sa kabila ng pagiging isang magaling na aktres. Ang dahilan – isang pangyayaring nagpabago sa kanyang buhay na siya ring rason kaya hindi na siya basta-basta tumatanggap ng mga offers.
“As an actress, ayoko nang gumagawa ng mga horror films. Noong araw puwede pa, pumapayag pa ako. Pero simula nang naging Christian na ako at nakilala ko ang Panginoon, hindi na ako tumatanggap ng mga ganung roles. Tapos kailangan kong mag-chant at gumawa ng maraming rituals sa role ko,” paliwanag ni Amy.
Dagdag pa ni Amy : “Tinanggap ko itong role dahil ito ay commitment ko sa Panginoon, upang mai-share yung gospel niya sa mga tao. At isa pa, maganda naman ang istorya at marami silang matututunan sa buhay ni Lupe.”
Upang paghandaan ang mga mabibigat na eksena, bukod sa pisikal na mga paghahanda, hindi kinalimutan ni Amy and pinaka-importanteng bagay – panalangin. “I always pray for God’s protection and guidance. I even asked my friends to cover me with prayers kasi nga may mga chantings at rituals ‘yung role na gagawin ko.”
Nabigay din siya ng ilang sekreto sa pag-arte. “Actually, ang pinaka-challenging lang dito ay kung papaano ko masu-sustain ‘yung character at ma-deliver ko ‘yung kailangan na drama scenes, iyakan at dapat matimpla ko ng tama. Ang style ko, direkta sa character, ini-internalize ko talaga ‘yung emotions ng character…kailangan naintindihan ko ‘yung istorya na maigi.”
Nagkuwento rin ang aktres kung paano siya nakaka-relate sa karakter ni Lupe. Bilang isang ina, pagmamahal din ang umiiral sa puso ni Amy pagdating sa kanyang pamilya, lalung-lalo na sa kanyang anak. At ito ay mas lalo pa niyang naipapakita ngayong bago na ang pananaw niya sa buhay at sa pag-arte.
“Yung Amy na umaarte before, talagang trabaho lang…para sa pamilya, kasi ako ‘yung breadwinner ng pamilya namin. Ngayong naging Christian ako, as much as possible, I do it for the glory of God. Kaya hangga’t maaari, sa roles at kahit sa aking kinikita, ginagamit ko ito para sa Panginoon.”
Kasama rin ni Amy Austria-Ventura sa Unos sina Alden Richards at Mike Lloren. Mapapanood ang Unos episode ng Tanikala: Ang Ikaapat na Yugto sa April 5 (Huwebes Santo), alas-5:00 ng hapon sa GMA 7. Written by Gin Sardea and directed by John Tan.
Ang Tanikala: Ang Ikaapat na Yugto ay ang Holy Week special ng CBN Asia, producer ng weeknight inspirational TV show na The 700 Club Asia. Para sa karagdagang detalye sa Tanikala, i-LIKE lang ang www.facebook.com/tanikala4.
- Latest