Premyadong movie-TV personality inaangasan pa rin ang showbiz personality na naunang nag-ober da bakod
Natawa ang press sa pabirong pagtataray ng isang premyadong movie and TV personality (MTVP) sa kaaway niyang showbiz personality (SP) na kasama na niya sa isang network. Pabiro pero totoo ang comment ni MTVP na “Wala naman siyang award” na tiyak ’di palalampasin ni SP.
Matagal na ang away ng dalawa na wala nang makaalala kung paano nagsimula pero kahit noong nasa iisang network pa sila, dedma ang drama nila ’pag nagkakasalubong na parang ’di nila knows ang isa’t isa.
Nilinaw din ni MTVP na hindi niya sinundan si SP sa network na pareho na silang belong ngayon. Puwede naman silang magtrabaho na hindi nagkikita.
Michelle siniseryoso ang CrossFit, feel nang maging trainer
Sa vital stats na 34-26-35, seksing-seksi si Michelle Madrigal at makikita ang kaseksihan ng dalaga sa cover ng April issue ng FHM. Ipinagmalaki rin nitong hindi na-Photoshop ang pictures niya sa 16-page feature ng men’s magazine dahil produkto ng diet, workout, at Cross Fit training ang kaseksihan.
Ang press ang napagod sa kuwento nitong 300 squats in 15 minutes at iba pang klaseng training sa CrossFit ang ginagawa niya. Dati 5 lbs. lang ang kaya niyang buhatin, ngayon kaya niyang magbuhat ng 45 lbs.
“Gusto ko na ngang maging CrossFit trainer, hindi lang madali at kailangan ng certification from Australia o Korea. Gusto ko rin maging full time chef kaya nag-iipon ako para makapag-aral sa New York na capital of all culinary schools in the world. Gusto kong magkaroon ng regular job,” sabi ni Michelle.
Third time nang mag-cover ni Michelle sa FHM, her second solo cover at ang pang-apat ay mas daring sa cover niya ngayon.
“Pero ’di ako maghuhubad, ’di kailangan. Dito nga lang baka sabihin ng tatay ko na wala ka na namang saplot anak. Medyo conservative ’yun,” sabi ng aktres.
Michael de Mesa naghihimutok din sa TV5
Hanggang May pa rito si Michael de Mesa. Tatapusin pa niya ang taping ng Valiente na napapanood sa TV5 at kung maaayos ang negosasyon sa GMA 7, baka patuloy siyang mapanood. May offer din ang ABS-CBN sa aktor, may mga requests lang siyang hindi na-meet kaya hindi na siya matutuloy doon.
By now, nakarating na sa TV5 ang hinaing ng cast ng Valiente na pare-parehong hindi natuwa nang ilipat ng timeslot ang teleserye para sa Nandito Ako at kasama si Michael sa mga nanghinayang sa move ng istasyon.
“Parang anong klaseng move ’yun? After one week inilipat kami ng timeslot. Sana ang Nandito Ako ang ibinaba, affected siyempre ang rating namin dahil pagpasok namin, nauna na ang mga kalaban,” reaksiyon ni Michael.
Anyway, masaya si Michael na kahit one month lang ay nagkasama sila ni Tirso Cruz III sa drama remake. At least, bago matapos ang teleserye ay nagkasama ang original Damian (Michael) at si Gardo (Tirso).
- Latest