Akting ni Phillip, nangibabaw sa serye nina Jake at Shaina
Sina Jake Cuenca, Shaina Magdayao, at Bangs Garcia ang mga tampok na artista sa bagong teleserye na mas gustong tawagin ngayong Filipino-serye o OFserye dahil love story ’to ng dalawang tao na kinailangang maglakbay ng malayo para makasama lamang ang isa’t isa. Kinunan ang karamihan ng eksena ng teleserye sa Doha, Qatar na kung saan malaking bilang ng mga Pinoy ang nagtatrabaho at kung saan ay napadpad para masuportahan ang kanilang pamilya ang dalawang gumaganap na ama ng hindi lamang magkaibigan kundi halos magtuturingang kambal na sina Paul (Jake) at Sarah (Shaina) dahil pareho ang araw at oras ng kanilang kapanganakan.
Nakakaiyak ang unang linggo ng pagtatanghal ng Kung Ako’y Iiwan Mo. Nangibabaw ang acting ni Phillip Salvador lalo na ’yung death scene ng character niya matapos siyang iligtas sa isang tiyak na kamatayan ng kanyang BFF na ginagampanan ni Christopher de Leon. Ang galing galing ni Ipe! Nagawa niyang maiparamdam sa mga nanonood ang sakit, lungkot, at pangungulila na nadarama ng lahat ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na kinakailangang iwan ang kanilang pamilya para lamang sila magkaroon ng buhay na maayos. Magaling na aktor si Christopher pero sa mga eksena nila ay mas nangibabaw ang husay ng mas nakatatandang aktor. Nagagawa nitong pakulutin ang kanyang boses sa tuwing siya ay magda-dialogue bilang pagpaparamdam ng kanyang pagkagiliw sa kanyang pamilya.
Nanghihinayang lang ako dahil napakaikli nang itatakbo ng kanyang character, isang linggo lamang, eh napakaganda ng kanyang role. Hindi bale si Boyet dahil may tumatakbo itong serye, ang Dahil sa Pag-Ibig, na malaking role ang kanyang ginagampanan. Pero si Ipe ay wala akong nalalamang seryeng gagawin niya o ginagawa para dapat paikliin ang exposure niya sa Kung Ako’y Iiwan Mo.
Maganda rin ang iringan nina Sandy Andolong at Gloria Diaz at nai-excite ang mga manonood. Pero ang talagang inaabangan ay kung may chemistry ba sina Jake at Shaina at magiging matagumpay ba ang kanilang pagpapareha.
Magagaling ang director ng serye na sina Lino Cayetano at Manny Palo. Mukhang na-inspire ang dalawa sa ginagawa nila kung kaya unang linggo pa lamang ay kaabang-abang na ang kanilang serye.
Sa April 12, 9:00 p.m., magkakaroon ng red carpet premiere ang Kung Ako’y Iiwan Mo sa Middle East, sa Al Majiis Hall, Sheraton Doha Resort and Convention Hotel.
Dadalo rito ang tatlong major stars ng series na sina Jake, Shaina, at Bangs. Mabibili ang tiket sa halagang QR 100 para sa VIP at QR 50 para sa regular seats.
Bahagi rin ng cast sina Maria Isabel Lopez, Ronnie Lazaro, Dick Israel, Nikki Valdez, Jojit Lorenzo, Ron Morales, at David Chua.
Pagpapakasal ni Dina hindi na nakakagulat
Hindi na ikinagulat ng mga taga-Ilocos Sur ang pagpapakasal ng kanilang bise gobernador na si DV Savellano kay Dina Bonnevie. Hindi naman sikreto ang relasyon ng dalawa. Katunayan, present ang aktres sa maraming events ng nasabing lalawigan at batid ito ng mga kapwa niya artista na naiimbitang mag-participate sa mga okasyong ito.
Aakalain mo bang makakatagpo pa ng isang bagong pag-ibig si Dina? For the longest time, akala ng marami ay masaya na ito sa kanyang pagiging single. Obviously, naghahanap din ito ng makakasama at natagpuan niya ito sa kanyang napangasawa ngayon.
- Latest