Golden Sunset ni Mother Ricky, malalim ang istorya
MANILA, Philippines - Isang magandang kuwento ang nasa likod ng pagkakaroon ni Mader Ricky Reyes ng isang bakasyunang mala-paraiso na Golden Sunset Inn Resort and Spa na ngayo’y dinarayo ng mga local at foreign tourist.
Tubong-Batangas ang ina ni Mader na si Donya Amada o Mama Ada. Naipangako ng anak sa butihing ina na isang araw ay reregaluhan niya ito ng isang moderno at malawak na bakasyunan sa nasabing bayan. Isang araw ay ibinalita ng kanyang lawyer na may ibinebentang palaisdaan na 18 ektarya sa Barangay Uno, Calatagan, Batangas at agad niya itong naibigan pero sobrang taas ang presyong hiningi ng may-ari.
“Makaraan ang ilang tao’y sinabi ng aking abugado na ang palaisdaa’y isinangla sa bangko at nakatakda nang mailit kaya ibinebenta sa mababang halaga. Naisip ko nga, talagang para sa akin ang lugar,” sabi ng beauty guru na agad pinatambakan ang lugar, ipina-landscape at tinayuan ng mga cottage, apat na swimming pool, apat na restaurant, isang hydro massage and spa area, bicycle grove, museo ng mga Calatagan artifacts, butterfly farm, disco, videoke club at tent area.
Sa Sabado alas-diyes hanggang alas-onse ng umaga’y tampok ang Golden Sunset sa Life and Style with Gandang Ricky Reyes prodyus ng ScriptoVision at umeere sa GMA News TV.
Dalawa at kalahating oras lang ang layo ng resort sa Maynila kaya kung nais ninyo ng bonggang bakasyon kasama ang pamilya at mga kaibigan, doon na kayo magpunta.
- Latest