Mga musmos sa pantalan ire-Rescue ni Arnold Clavio
MANILA, Philippines - Ayon sa pag-aaral ng International Labour Organization o I.L.O., isa ang lalawigan ng Quezon sa apat na probinsiya sa Pilipinas na mataas ang insidente ng child labor o mga batang maagang nasabak sa paghahanap-buhay.
Ganito ang katotohanang natuklasan ng Rescue ng GMA 7 sa Dalahican Fish Port sa Lucena, kung saan nagkalat ang mga batang may edad na lima pataas.
Sa kabila ng kanilang murang katawan, napipilitan silang magbanat ng buto para makatulong sa magulang.
Ngayong Huwebes ng gabi, tunghayan ang mga batang naabutan ng Rescue na nagtratrabaho bilang kargador, taga-igib, tindero, at ang mga tinatawag na Batang Bakaw na nangungupit naman ng isda sa hile-hilerang banyera.
Bakit humantong sa fish port ang kinabukasan ng mga batang dapat sana ay nasa paaralan? Paano sila maiaahon ng mga kinauukulan mula sa panganib na kinasasadlakan?
Ngayong Huwebes ng gabi, samahan si Arnold Clavio at saksihan kung paano nailigtas ang mahigit dalawampung mga musmos sa pantalan sa bagong bihis at mas maaksyong Rescue pagkatapos ng Saksi sa GMA-7.
- Latest