Show nina Sarah, Luis, at Coco nangunguna sa Kapamilya!
MANILA, Philippines - Nangunguna pa rin ang ABS-CBN sa karera sa primetime matapos itong mamayagpag sa kabahayan ng mga Pilipino noong Pebrero sa average audience share na 41.4% base sa pinakahuling datos ng pinagkakatiwalaang Kantar Media na kilala sa pananaliksik sa manonood ng TV sa iba’t ibang bansa.
Mas lumaki pa ang lamang ng Dos pagdating sa primetime sa huling bahagi ng Pebrero sa patuloy na paglakas ng Walang Hanggan. Mula Peb 20-29, nanatiling higit 30% ang rating ng programa at pumalo sa average TV rating na 45%.
Mahalaga ang primetime block (6 PM to 12 MN) sa industriya ng media dahil sa mga oras na ito ang may pinakamaraming Pilipino ang nakatutok sa kani-kanilang telebisyon kung kaya’t mas maraming advertisers ang naglalagay ng kani-kanilang mga patalastas.
Panalo rin ang ABS-CBN sa mga kabahayan sa Balance Luzon (mga lugar sa Luzon na nasa labas ng Mega Manila) sa average primetime audience share na 44%; sa Visayas sa audience share na 56% vs 21%; at sa Mindanao kung saan pumalo naman ito ng 61%.
Pagdating naman sa talaan ng pinakapinapanood na mga programa sa buong bansa noong Pebrero, 12 programa ng ABS-CBN ang nasa top 15 kabilang ang apat nitong programang nasa top 4.
Una sa listahan ang top-caliber drama na Walang Hanggan sa average national TV rating na 28.5% na sinusundan ng advocacy-serye na Budoy (27%), kuwento ng batang robot na si E-Boy (26.4%), at nangungunang newscast sa bansa na TV Patrol (26.3%).
Damang-dama naman ang pagbabalik ng hit game show na Kapamilya Deal or No Deal (21.7%), sa pangunguna ni Luis Manzano, at pagdating ng pinakabagong Sunday concert experience hatid ng Popstar Princess na si Sarah Geronimo sa Sarah G Live (21.3%) nang agad itong nakapasok sa top 15.
Kabilang din sa top 15 ang mga Kapamilya show na Top Rank Live (26.2%), MMK (25.8%), Wansapanataym (24.5%), Junior Masterchef (23.6%), Rated K (21.6%), at Goin’ Bulilit (19.7%).
Sa pangkalahatan, ABS-CBN pa rin ang numero uno nationwide sa average national household share na 35.1% kumpara sa 34.9% ng GMA.
- Latest