Hayden Kho malabo na raw pakasalan, Dra. Belo ginagamit nang pang-party ang mga wedding dress
MANILA, Philippines - Ay, bigla kong naalala ang narinig kong kuwento tungkol kay Dra. Vicki Belo.
Marami na raw palang nabiling wedding gown si doktora para sa naudlot na kasalan nila ni Hayden Kho. Pero dahil mukhang malabo na raw matuloy ang nasabing kasalan dahil as of yesterday split na pa sila, ginagamit na raw ni Dra. Belo ang mga nasabing wedding gowns sa party.
Yup, ginagawa na lang niyang party dress ang mga nabili niyang damit pangkasal na lahat ay mamahalin at binili pa sa abroad. Meron pa raw wedding gown na gawa ng sikat na Pinay designer na si Monique Lhuillier.
Sarah handang-handa nang magpaka-daring
Talk-of-the-town kamakilan ang pinakabatang Pinoy pop royalty na si Sarah Geronimo dahil sa recordbreaking nitong pangunguna sa sikat na microblogging site na Twitter. Ang Sarah G. Day ay naging No. 1 trending topic sa apat na magkakasunod na araw mula pa noong nakaraang linggo nang mistulang araw ng Pop Princess dahil sa sunud-sunod niyang guesting sa ASAP 2012, The Buzz, at Gandang Gabi Vice upang i-promote ang sarili niyang live solo musical variety show sa ABS-CBN na Sarah G. Live na magsisimula na ngayong Linggo (Pebrero 26) sa ganap na 8:30 p.m.
Tampok sa unang episode ngayong linggo ang kamangha-manghang opening number ng Popstar Princess na magpapatunay ng kanyang ‘di matatawarang galing bilang isang Total Performer. Tutukan rin ang mga bigating bisita at sorpresa lalo na ang pinakaunang Sige Go Adventure! ni Sarah na tiyak na ikakikilig ng mga manonood at ang pagdalaw ng isang espesyal na taong itinuturing ni Sarah na idolo sa industriya.
Makakasama niyang co-host si Luis Manzano, musical director Louie Ocampo, choreographer Georcelle Dapat-Sy, at director Erick Salud.
Mga anak ni Ruffa at Janice, kasali na sa ASAP!
Puno naman nang hindi mapapantayang ganda at talento ang ASAP 2012 ngayong Linggo (Pebrero 26) kasama ang buong ASAP Kapamilya na pangungunahan ng mga mainstays nitong sina Gary Valenciano, Martin Nievera, ZsaZsa Padilla, Vina Morales, Piolo Pascual, Toni Gonzaga, at KC Concepcion.
Tiyak na mahuhumaling ang lahat sa pagbisita ng Philippine beauty queens na sina Venus Raj, Bianca Manalo, at Shamcey Supsup, samantalang ikasisiya naman ang mga handog na sorpresa ni Pokwang at ang first-ever TV performance ng mga cute na anak ni Ruffa Guttierez na sina Lorin at Venice kasama ang naggagandahang dalagita ni Janice de Belen na sina Moira, Ina at Khaila.
Engrandeng pasasalamat at pamamaalam naman ang handog ng cast ng malapit nang magtapos na Maria la del Barrio na pangungunahan ng lead stars nitong sina Erich Gonzales at Enchong Dee. Sasalubungin naman ng Star Magic ang pinakabagong teen heartthrob na titilian at kakikiligan ng lahat na si Khalil Ramos; samantalang iwe-welcome rin ang pinakabagong miyembro ng ASAP 2012 na si Paolo Valenciano.
Hahataw din sina Erik Santos, Angeline Quinto, Jed Madela, Juris, Zia Quizon, Yeng Constantino, Jovit Baldivino, Nikki Gil, at Alex Castro. Magsasanib-puwersa naman ang youngest rock icon na si Bamboo at OPM legend Noel Cabangon sa isang napakahusay na musical moment at ihahain ng Asian Sensation na si Christian Bautista ang pinakabago niyang treat para sa bawat Kapamilya.
Magpapasabog din ang mga reyna at hari ng dancefloor na sina Iza Calzado, Vincent Bueno, Iya Villania, Shaina Magdayao, John Prats, Rayver Cruz, Enrique Gil, Empress, Sam Concepcion and Rafael Rossel para sa ASAP Supahdance.
Drama series na ginastusan ng P800M sa Korea ipalalabas sa GMA 7
Magsisimula na sa GMA 7 bukas, Lunes ng gabi, ang top-rating at ang itinuturing na “most expensive drama series” sa Korea na IRIS.
Ito ay tungkol sa dalawang magkaibigang sundalo na kasapi ng Special Forces ng South Korea. Sila ay magkahiwalay na aakitin ng isang babaeng ang misyon ay ang pag-recruit sa kanila bilang agents ng isang secret agency, ang National Security Service (NSS). Ang nasabing ahensiya ay may layuning protektahan ang South Korea laban sa kahit anong banta ng destabilisasyon. Ngunit ang paggamit ng babae ng kanyang ganda at karisma upang maakit ang dalawa ay magdudulot ng problema. Hindi alam ng bagong agents na sila ay umiibig na pala sa iisang babae lamang. Habang dadaan sila sa matitinding mga pagsubok na susukat sa kanilang liksi at katapatan, susubukin din ng pag-ibig ang kanilang pagkakaibigan.
Pinagbibidahan ng pinakamalalaking Korean stars kabilang sina Lee Byung Hun (Beautiful Days, G.I. Joe), Kim Tae Hee (Love Story in Harvard, Stairway to Heaven) at Jung Joon Ho (Last Scandal), ang IRIS ay naging top rater sa Korea nang una itong ipalabas noong 2009.
Umani rin ito ng maraming awards kabilang ang pinakamataas na karangalan mula sa 2009 KBS Drama Acting Awards.
Gumastos ang nasabing series ng mahigit sa 20 billion won o halos P800 million.
Mapapanood na ang IRIS simula ngayong Lunes, pagkatapos ng I-Witness sa GMA 7. )
- Latest