Bagets na taga-Marikina Master Chef na
MANILA, Philippines - Wagi ang 12-anyos na si Kyle Imao ng Marikina bilang ang kauna-unahang Junior Master Chef ng bansa matapos mamangha ang mga hurado sa kanyang inihaing oyster ravioli at Asian fusion shrimp at scallops sa magkaibang cooking challenges sa Junior Master Chef Pinoy Edition Finale: The Live Cook-off na ginanap nung Linggo ng gabi sa Treston International College.
Nanaig ang husay ni Kyle sa pagluluto laban kina Philip, Mika, at Jobim sa kanyang kabuuang 91.8 puntos at mag-uuwi ng P1 million at P1.5 million na halaga ng culinary scholarship.
Pumangalawa naman si Philip na nagkamit ng 91.1 puntos at nanalo ng P500,000 at P1.5 M halaga ng culinary scholarship. Nakuha naman nina Mika (84 pts.), at Jobim (73.4 pts.) ang ikatlo at ikaapat na puwesto at panalo ng tig-P250,000 at P500,000 worth ng culinary scholarship.
Sa unang challenge pa lang ay nanguna na si Kyle sa kanyang kamangha-manghang oyster ravioli na nakatanggap ng pinakamataas na pinagsamang puntos mula sa host na si Judy Ann Santos-Agoncillo, mga huradong sina Chef Ferns, Chef Lau, Chef Jayps, at 100 espesyal na panauhin na tinikman at hinusgahan nang live ang gawa ng Final Four sa mismong finale.
Dahil sa malaking puntos na nakuha niya kina Judy Ann at sa tatlong hurado, nanguna pa rin si Kyle sa round na ito kahit pa mas pumatok ang inihandang “chicken three-way” ni Mika sa madlang binuo ng mga estudyante, MMDA personnel, doktor, atleta, nars, guro, bumbero, empleyado ng gobyerno, at negosyante.
Live ring nasaksihan ng buong bayan ang pangalawang challenge kung saan nagluto sina Kyle, Philip, Mika, at Jobim ng kanilang “dream dishes” sa loob ng nakakatensyong 30 minuto. Ipinanalo ni Philip ang round na ito ngunit hindi naging sapat para patumbahin si Kyle sa kanilang final scores.
Para sa dream dish live cook-off challenge, nagsilbi ring hurado ang pinagpipitagang cook at may-ari ng Via Mare restaurant na si Glenda Rosales Barretto na nagbigay ng perpektong 10 puntos sa Asian fusion shrimp at scallops ni Kyle.
Hindi na naitago ni Chef Lau ang pagkahumaling sa niluto at nagkomento: “’Di ba sinabi ko sa iyo dati na sa pitong taon, gusto kong magtrabaho ka para sa akin? Sorry pero babawiin ko ’yun dahil in seven years, baka ako na ang magtrabaho para sa iyo.”
Samantala, abangan naman ang pagpapamalas ng mga mas nakatatanda sa pagluluto pagdating ng lokal na bersyon ng Master Chef sa ABS-CBN.
- Latest