Gerald umamin na!
Hindi kay Sarah Geronimo kundi kay Gerald Anderson mismo nanggaling ang pag-amin na magkasama nilang ipinagdiwang ang Valentine’s Day.
Nagkaroon ng pagkakataon si Gerald na makaharap ang entertainment media sa kanyang launching bilang endorser at image model ng Mint, isang fashion brand na pag-aari ng mag-asawang Stella at Jopet Sy na niligawan si Gerald ng isang taon bago nakuha ang kanyang serbisyo. Bago ang Mint, Bench ang iniendorso ng Budoy star.
Ang Mint ay isa sa mga local brands na merong Spring/Summer and Fall/Holidays collections at sumali sila sa Philippine Fashion Week para maipakita ang mga produkto nila at bahagi na rin ito ng selebrasyon nila ng kanilang ika-10 taon sa business.
Sa huling apat na taon ng Mint ay kumukuha na sila ng mga artista para maging endorser. Nauna na sina Cristine Reyes at Jericho Rosales. Sa kasalukuyan, bukod kay Gerald ay endorser din ng Mint si Xian Lim. Si Xian ang magpapalaganap ng mga damit na lalaking-lalaki ang dating, ’yung parang hunk habang ’yung boy next door namang stylish at preppy ang mga palalaganapin ni Gerald.
JC paghuhugutan ni Danita nang pag-iyak
Akalain mo, mag-ninang pala sina Alice Dixson at Danita Paner? Magkasama ang dalawa sa bagong serye ng TV5 na Isang Dakot na Luha. Gumaganap silang mag-ina. Sa kung anong kadahilanan ay babaeng may galit ang karakter ni Danita sa kanyang ina, ang balikbayang si Alice nga.
Ninang sa binyag ng anak ni Daisy Romualdez si Alice na pinuri ni Danita dahil sa pagiging simple nito at down to earth. Nang tanungin ito kung ano ang gift sa kanya ng ninang niya nung Pasko, sinabi niya na nahihiya siyang manghingi rito ng regalo.
Todo drama ang Isang Dakot na Luha kaya mapapalaban sa iyakan ang batang aktres. Bukod sa nag-workshop ito ay tinatanggap na blessing ang naging split nila ni JC de Vera dahil hindi na siya mahihirapang gampanan ang kanyang role. May mapaghuhugutan na siya.
Si Edgar Allan Guzman ang magiging kapareha ni Danita.
Alice ngayon pa lang gustong magkaanak!
Magtatapos naman ang kontrata ni Alice Dixson sa TV5 sa Abril. Sa halip na isipin na makapagtatrabaho na siya sa iba, wish niya na makapag-host ng isang beauty and health show. Kung hindi, baka samantalahin nila ng kanyang asawa ang pagkakaroon ng anak. Kung nabalam man ang pagkakaroon nila ng anak, ito ay sa dahilang mas binigyan nila ng priority ang kanilang sari-sariling trabaho.
Pagkatapos ng Isang Dakot na Luha at wala pa rin siyang kasunod na trabaho, baka ang pagpapalaki ng pamilya ang unahin nilang mag-asawa.
Star Records pinagsama-sama ang malalaking theme songs
Kasabay nang pagpapalabas ng pinakahihintay na pelikula nina John Lloyd Cruz at Angel Locsin na Unofficially Yours ay ang release ng ikatlong edisyon ng OPM Number 1s ng Star Records, kung saan kabilang ang original soundtrack ng Lloydie-Angel film na If You Asked Me To na inawit nina Erik Santos at Angeline Quinto.
Tampok din ang 18 pang sikat na movie at teleserye theme songs.
- Latest