Solenn Heussaff bumalik sa isla
MANILA, Philippines - Tumitinding pautakan ang matutunghayan sa nalalabing dalawang linggo ng Survivor Philippines Celebrity Doubles Showdown kung saan limang castaway na lamang ang maglalaban-laban na kinabibilangan nila KC Montero, Maey Bautista, Stef Prescott, Mara Yokohama, at Betong Sumaya.
Pero kung matindi ang tensiyon sa isla, mas matindi ang dumating na bisita dahil nagbabalik sa isla ang diwata ng Survivor Philippines na si Solenn Heussaff!
Walang kiyemeng nakipagchikahan at nakitulog si Solenn sa isla kasama ang mga final five castaways. Isa si Solenn sa finalist ng nakaraang season ng Survivor.
Showband humahataw sa barko!
Kasisimula pa lamang ng 2012 pero maganda na agad para sa Frontliners Band ang taon ng dragon.
Sa pagsalubong sa Year of the Water Dragon, naging makabuluhan at umaatikabong pagtanggap ng mga manonood sa PAGCOR Casino Filipino-Hyatt nang sila ay ma-schedule roon.
Si Winnie Vidad at ang lahat ng miyembro ng nasabing banda ay nagustuhan ng mga casino gamers at ng ibang pumapasyal sa nasabing lugar sa gabing iyon.
Hindi lang sa loob ng ating bayan unti-unting nakikilala ang bandang ito kundi maging sa ibang bayan.
Bilang patunay, ang limang taong gulang na bandang ito ay nakapaglakbay na sa iba’t ibang bansa sakay ng pinakamalaking barko sa buong mundo, ang Allure of The Seas, at dito sa Pilipinas ay nakilala na rin silang showband.
Isa nang patunay ay nang maging front act ang banda nila sa isang show ni Ogie Alcasid sa San Fernando, La Union ilang taon na ang nakararaan.
Si Vidad ay hindi lang lead vocalist ng banda, siya rin ang tumatayong manager ng grupo. Hindi biro ang 17 taon ng kanyang buhay na iginugol sa pagbabahagi ng kanyang talento sa live band.
Nagtapos ng kursong mass communication ang vocalist-manager at naging dating co-host sa isang TV network noong 1997, iniisip ni Vidad na siguro iyon na rin ang nakatulong sa kanya na magmahal sa talento. Kaya naman nang sumabak na siya sa mundo ng showbiz, hindi na siya nahirapan pa at naging successful nga.
Sa March 10, ang Frontliners Band ay nakatakda namang mag-perform sa biyahe ng Royal Caribbean International.
Prosekusyon at depensa, kilalanin!
Painit na nga ng painit ang bakbakan ng mga de-kampanilyang abogado ng depensa at mga bagitong taga-usig sa nakaraang dalawang linggo ng impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona. Sa kabila ng mga napapanood natin sa telebisyon, paano nga ba nila pinaghahandaan ang bawat pagdalo sa pagdinig?
Ngayon (Jan 31) sa Patrol ng Pilipino, kilalanin ang mga bumubuo sa kampo ng depensa at ng prosekusyon sa ulat ni Jing Castaneda, at silipin kung paano nila gagawin ang kani-kanilang tungkulin sa paglilitis ng impeachment case ni Corona.
Kakapanayamin ni Jing sina Atty. Tranquil Salvador at Atty. Jose Roy, ang mga abogadong tagapagtanggol ni Corona at ang mga taga-usig na sina Rep. Neri Colmenares, Rep. Erin Tañada, at Rep. Niel Tupas. Bukod pa riyan, alamin din ang kung ano ang tumatakbo sa likod ng mga press conference ng bawat kampo.
Para kay Jing, malaki ang papel ng media sa takbo ng pagdinig na ito, na inihahalintulad niya sa isang reality show na walang script, walang may kontrol, at walang may alam kung paano at kailan matatapos.
“Nakasalalay sa lahat ng partido – sa prosekusyon, depensa, senator-judges, at maging sa media – kung paano maeenganyo at mapapanatiling interesado rito ang taumbayan. Bilang isa sa mga pinakamahalagang aspeto ng demokrasya ng bansa, obligasyon nating tutukan ang impeachment para tiyaking anuman ang desisyong kalalabasan ay malinaw, kapani-paniwala, at katanggap-katanggap ito,” giit ni Jing.
Samantala, dadalhin naman kayo ni Jacque Manabat sa tatlong oras na biyahe sa pinagandang tramline sa Sariaya, Quezon kasama ang mga magsasaka. Dahil dito, napaginhawa ang kanilang kabuhayan at nabawasan pa ang higit sa 45 minutong lakaran, na siyang dahilan ng pagkatuyot ng kanilang mga panindang gulay.
Alamin ang kwento sa likod ng mga balita ngayong (Jan 31) sa Patrol ng Pilipino pagkatapos ng Bandila sa ABS-CBN.
- Latest