Coco game pa rin sa hubaran
Walang limit ang pagiging actor ni Coco Martin, kung kailangang maghubad, maghuhubad siya!
Kahit gaano karami ang mga malalaking artista na kasama sa bagong serye ng ABS-CBN na Walang Hanggan, ang bulto ng responsibilidad na mapasikat ito ay nakaatang sa mga balikat ng bagong tambalan na tatangkain ng network na mapasikat.
Mas pressure ang nararamdaman ni Coco, dahil kumbaga, kasabay ng inaasahang pagsikat ng tambalan nila ni Julia Montes ay ang pagiging mature actress nito. Matanggap kaya ng mga manonood, lalo na ng mga fans ng dalaga, ang biglang pagbabago ng image nito? Bahala si Coco na siguruhin na magiging wholesome ang ‘maturity’ ng ka-tandem naman ni Kathryn Bernardo.
Walang problema ang actor sa bagong kapareha niya o ang nakatakdang pagdadala niya rito sa isang bagong landas.
“Lahat ng pagsuporta ay ibibigay ko sa kanya. Ipararamdam ko rin sa kanya na kahit sa mga maseselan at mature naming mga eksena ay magiging propesyonal ako, aalalayan ko siya,” pangako ng aktor.
Wala pa namang kaso, sa maraming taon ng kanyang pag-aartista, na naparatangang unprofessional si Coco. Palagi, he toes the line at ginagawa lamang ang hinihingi ng kanyang role at ipinagagawa ng director.
“Hindi ako naglalagay ng limitasyon. Isa akong aktor kaya lahat ng hinihingi ng role ko ay ginagawa ko. Kung kinakailangang magpakita ng katawan at gumanap sa maseselang eksena, okay lang. Bahagi yun ng trabaho ko,” sabi niya sa presscon ng Walang Hanggan.
PMPC may bagong presidente na
May bago nang set of officers ang Philippine Movie Press Club (PMPC). Nahalal matapos ang isang matahimik na eleksiyon nung Biyernes, Enero 13 sina Roldan Castro, president; Romel Galapon, Vice Pres.; Jimi Escala, secretary.; Ador Saluta, asst. sec..; Boy Romero, treasurer; Blessie Cirera, asst. treas.; Joe Cesar, auditor; Beth Gelena, PRO; Gerry Ocampo; Ernie Pecho, Julie Bonifacio, Letty Celi, Benny Andaya, Timmy Basil, at ako po, board of directors.
- Latest