Indian inspired, pinatatayong bahay nina Robin at Mariel mala-palasyo
Natuloy din finally ang imbitasyon sa amin ni May Villarica na kumain sa bagong fine dining restaurant na isang joint venture ng kanyang asawang si Raffy Sazon at ng isa sa dalawang apo nila na si Mariel Rodriguez sa BF Homes Parañaque na pinangalanan nilang Grand Dad. Dinaluhan ni Robin Padilla ang opening ng restaurant bago mag-Pasko na kung saan ay namigay siya ng cash sa lahat ng bisita at staff ng restaurant bilang pamasko.
Si May ay isang dating kaeskuwela sa high school at lola nina Mariel at ng ate niyang si Kai na ang napangasawa naman ay ang panganay ng dating pangulo ng ABS-CBN na si Freddie M. Garcia o FMG. Kay May na nagdalaga ang dalawang apo niya habang nagtatrabaho sa abroad ang kanilang ina kaya very close silang mag-asawa sa mga ito.
May dati ring Japanese restaurant si May na binitawan niya para makatulong sa pamamahala ng Grand Dad. Ang clientele nito ay mga sosing kaibigan at pamilya ng mga opisyal sa gobyerno na nabalitaan na ang sarap ng mga pagkaing isinisilbi rito.
Madalas din dito si Mariel habang itinatayo ang bahay nila ni Robin sa The Fort na ayon kay Lola May ay Indian inspired at parang palasyo sa laki. Mga limang buwan pa bago ito matapos.
After Grand Dad ay sinundo naman kami nina Vir Gonzales at Letty Celi ni Azenith Briones para pakainin ng Japanese food sa Okiniiri (na ibig sabihin sa Ingles ay favorite). Nagkataong nasa lugar lamang ang dati ring aktres at namimili ng mga kasangkapan para sa kanyang bagong condo. Naisip nito na i-treat kami for merienda at dinala kami sa restaurant na pag-aari naman ng balo ni Conrad Poe na si Zeny Marcelo, isang Pinay taga-Magalang, Pampanga na mapapagkamalan mong isang Haponesa dahil sa kanyang ayos at kasuotan. Ang restaurant niya ang pinagkakaabalahan ng balo ng kapatid ni FPJ. Nagbu-book din siya ng mga artista’t performer sa mga shows. Puntahan ng tao ang Okiniiri dahil sa napaka-cozy atmosphere nito at napaka-authentic Japanese cuisine. Kahit mga estudyante ng mga kalapit nitong international schools ay afford ang presyo ng mga pagkain sa restaurant. Dalawa ang branches ng Okiniiri na matatagpuan pareho sa BF Homes.
JC at Danita tuluyan nang naghiwalay!
Mismong sa ina ni Danita Paner na si Daisy Romualdez nanggaling ang balitang nauwi rin sa hiwalayan ang relasyon ng kanyang anak at ng boyfriend nitong si JC de Vera. Kung dati ay nakaamba lamang ito, hindi rin naiwasan na magkaroon ito ng kaganapan. Sa kabila ng kanyang pagdaramdam sa sinapit ng dalawa na nakita naman niyang napakaganda ng samahan kahit sinasabi ng marami na nakaapekto si Danita sa career ni JC, tinatanggap ng walang pait ni Daisy ang kinahantungan ng pagsasama ng dalawa. Baka nga naman maging blessing in disguise ang paghihiwalay nila.
Inaasahan lamang ni Daisy na manumbalik ang sigla sa career ng dalawa, para hindi naman mapunta sa wala ang kanilang paghihiwalay.
Inaasahan din ni Daisy na hindi mapapabayaan ng kanyang anak ang career nito habang nagpapagaling ng sugat ng kanyang puso. Habang naghihintay ito ng proyekto sa TV5, itutuloy nito ang kanyang pagkanta.
Maraming nakaplanong proyekto ang Viva para sa kanya, kasama na ang paggawa ng isang album.
Bokalista ng banda si Danita at dito siya unang nakilala.
Samantala, balak din palang mag-artista ng junior nina Manny Paner at Daisy na si Manuel Karl Gomez Paner, Jr. na kinumpilan kamakailan sa simbahan ng San Miguel at nagkaroon ng reception sa Manila Hotel. Eighteen years old na ang binata na inaasahan ng kanyang mga magulang na magagawang pagsabayin ang kanyang pag-aaral at pag-aartista. With the help of his 33 pairs of godparents, inaasahang makakamit ni Karl ang kanyang pangarap na masundan ang magandang simula ng kanyang mga ateng sina Tina at Danita Paner.
- Latest