Angeline at Liezel pinasaya ang mga buntis sa DZMM Buntis Congress
MANILA, Philippines - Inawitan ng Star Power grand winner na si Angeline Quinto at Pinoy Dream Academy finalist na si Liezel Garcia ang higit sa 1,500 nagdadalang-tao sa ika-siyam na DZMM Buntis Congress na ginanap sa tatlong lungsod sa bansa ngayong taon.
Nagbigay aliw ang celebrity mom na si Winnie Cordero bilang host sa lahat ng regions. Kasali rin si Christine Bersola-Babao at Mark Echem na nagpasaya sa mga buntis na lumahok at natuto sa seminar ng tamang pangangalaga ng kanilang sanggol bago at pagkatapos ng panganganak.
Nagbahagi ng kaalaman ang mga eksperto mula sa Department of Health (DOH), Commission on Population (COP), Midwives Foundation of the Philippines (MFP) at National Nutrition Council (NNC) ukol sa pangangalaga ng sinapupunan upang maiwasan ang mga kumplikasyon habang nagdadalang-tao na maaaring humantong sa pagkamatay ng ina at ng sanggol.
Ang pagtitipong ginanap sa SM Megamall sa Maynila ay dinaluhan ng 1,000 buntis, habang 200 nagdadalang-tao naman ang lumahok sa seminar sa Baguio City. Bukod pa sa 300 buntis na dumalo sa Buntis Congress sa Zamboanga City, mayroon ding 150 inang nagbe-breastfeed na nakiisa sa breastfeeding program ng lokal na pamahalaan nito.
Pinaalalahanan ng DZMM anchor at OB-gynecologist na si Dr. Bles Salvador ang mga inang sumailalim sa buwanang check-up para masubaybayan ang paglaki ng kanilang anak at maiwasan ang mga suliranin habang nagsisilang.
Samantala, pinangunahan ng assistant secretary ng Department of Health na si Dr. Eric Tayag ang pag-eehersisyo ng mga buntis sa tugtuging Waka Waka sa seminar sa Maynila.
Bukod sa kaalaman at makabuluhang impormasyon, nag-uwi ng baby bags ang mga dumalong buntis. Nagpa-raffle din ng cash prizes, bedroom, bathroom, at recreation showcases sa tatlong pagtitipon, na pinangunahan ng DZMM anchor na si Winnie Cordero at ng DJs ABS-CBN regional radio stations.
Sa nakalipas na siyam na taon, nagbibigay ang DZMM Buntis Congress ng libreng seminar para turuan ang mga buntis ng mga dapat at hindi dapat gawin bilang isang ina.
- Latest