Sen. Bong nakipagsiksikan sa LRT
Ang sipag-sipag ni Senator Bong Revilla, Jr. na mag-promote ng Panday 2. Hitsurang masikip sa Light Rail Transit (LRT) noong Biyernes, rumampa siya at nakihalubilo sa mga pasahero na personal na inimbitahan niya para panoorin ang pelikula nila ni Marian Rivera. Kasama niya sa LRT promo sina Phillip Salvador, Alden Richards, at Benjie Paras.
Wala nang sisipag pa kay Sen. Bong sa pagpo-promote ng pelikula dahil naikot niya ang lahat ng mga TV networks, umapir siya sa mga mall shows ng Panday 2 at pinuntahan ang lahat ng special screening ng kanyang pelikula.
Ang kasipagan at dedikasyon niya sa trabaho ang ilan sa mga dahilan kaya naging successful actor at pulitiko si Bong. Kung nangangarap ang mga baguhang artista na magtagal sa entertainment industry, tularan nila ang sipag ni Bong.
AIAI female counterpart ni Bong sa kasipagan
Si AiAi Delas Alas ang female counterpart ni Bong dahil ang sipag-sipag din niya na mag-promote ng pelikula.
Hindi ipinapaubaya ni AiAi sa mga movie producer ang promo dahil may sarili siya na diskarte para makatulong sa publicity ng kanyang mga pelikula.
Kaya naman blessed din si AiAi as in blockbuster ang kanyang mga projects, concert man o pelikula.
Iilan lang ang mga artista na gumagastos ng sariling datung para i-promote ang kanilang pelikula. Hindi nanghihinayang si AiAi na maglabas ng sariling pera alang-alang sa box office success ng Enteng ng Ina Mo.
Asiong tuloy ang showing
Tuloy na tuloy ang showing ngayon ng Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story. Hindi totoo ang kumalat na tsismis noong Biyernes na hindi maipalalabas sa mga sinehan ang pelikula ni Jeorge Estregan dahil nagsampa ng Temporary Restraining Order ang direktor na si Tikoy Aguiluz.
Ang sey ni Jobert Sucaldito at ng Scenema Concept, Inc., walang dahilan para mapahinto ang showing ng pelikula na hindi nawalan ng kontrobersiya.
Kung may pagbabago man sa Manila Kingpin, ito ay ang kumpirmasyon mula sa produ na pinagbigyan nila ang request ni Papa Tikoy na alisin ang name nito sa credits ng pelikula.
Kahapon ang parade of stars at kumalat naman ang tsismis na gusto ni Tikoy na sumakay sa float ng Manila Kingpin kaya may mga violent reactions mula sa mga supporter ng produ. Kaloka ang pelikula ni ER ha? Ang dami-daming isyu na hindi naman gimik dahil talagang may mga emote si Papa Tikoy.
‘Maligayang pasko sa lahat’
Maligayang Pasko sa lahat! Isang Pasko na masagana at kapayapaan ang wish ko sa ating lahat.
Siyempre, kasama sa prayers ko ang mga kababayan natin sa Mindanao na naapektuhan ng Typhoon Sendong. Alam nating lahat na malungkot ang kanilang Pasko at Bagong Taon dahil sa mga hindi inaasahan na pangyayari kaya ang pagpalain sila ng Diyos ang aking dasal.
Ang Pasko ay para sa mga bata. Wish ko rin ang magandang panahon ngayon para makalabas ng bahay ang mga bagets at makapanood sila ng sine dahil showing sa mga sinehan ang mga pelikula na kasali sa 37th Metro Manila Film Festival.
Huwag sanang umulan para ma-enjoy ng mga bata ang panonood ng sine, pamamasyal sa mall, pagpunta sa mga theme parks tulad ng Star City, pagbisita sa kanilang mga ninong at ninang.
- Latest