Snow World paskong-pasko!
MANILA, Philippines - Kung ipinagmamalaki nga ngayon ng bansang Austria ang tinatawag nilang pambansang Christmas attraction nila na dinadayo ng mga turista, isang higanteng imahe ng Belen na gawa sa yelo, hindi rin pahuhuli ang Snow World natin sa Star City.
Sa pagsisimula ng kanilang pagdiriwang ng Pasko, naka-exhibit na rin sa loob ng Snow World ang isang higanteng belen, tampok ang mga imahe ni Jesus, Jose, at Maria, ang tatlong haring mago, at ang mga hayop sa sabsaban. Iyon ay gawa sa yelo.
Sa tabi ng higanteng belen ay naroroon naman ang isang grupo ng mga choir boys na umaawit ng mga awiting Pamasko, na gawa ring lahat sa yelo. Siyempre naroroon din si Santa Claus, sakay ng kanyang sleigh at hinihila ng mga reindeers na lahat ay gawa sa yelo. At ang lahat ay nilikha para sa Snow World ng mga Filipino artists.
Iyon lamang mga Christmas attractions sa loob ng Snow World ay sapat na para magbigay ng kasiyahan sa lahat pero siyempre idadagdag pa rin natin ang giant ice slide, at ang snow square kung saan ang lahat ay maaaring maglaro, gumawa ng sarili nilang snow man figures o magpa-picture.
Ang Snow World sa Star City, ang tanging tunay na snow attraction sa Pilipinas ngayon, kung saan ang makikita ninyo ay tunay na snow at yelo ay bukas araw-araw mula alas-kuwatro ng hapon kung Lunes hanggang Huwebes, at mula naman alas-dos kung weekend.
- Latest