Janelle nagtatago na parang may kasalanan
Nakikisimpatiya ako kay Janelle Manahan, naperwisyo na nga siya ng husto at suwerte na lamang at hindi siya nakasama sa kamatayan ng kanyang boyfriend na si Ram Revilla, heto at kinakailangan pa siyang itago ngayon para mailigtas siya sa maaari pang mangyari sa kanya ngayong makakapagbigay linaw na siya sa mga naging pangyayari.
Ano ba ang naging kasalanan niya? Ang mabuhay pagkatapos ng nangyari sa kanya?
Gaano ba kalakas ang mga nasa likod ng murder case para hindi nila siya tantanan? Nakikisimpatiya din ako sa kanyang pamilya, lalo na sa kanyang mga magulang dahil matapos ang pakikipaglaban sa buhay ng kanilang anak na nasaksihan nila, heto at hindi na ito makakapamuhay ng normal, parang may kasalanan na dapat ay magtago gayung siya ang pinagkasalahan.
Hay Janelle, manalig ka na lamang sa Panginoon, na hindi ka niya pababayaan at matatapos din ang lahat ng ito.
Enchong trip to Singapore ang regalo sa buong pamilya
Bigatin naman talaga itong si Enchong Dee. Akalain mo, biyahe ang Pamaskong regalo niya sa kanyang pamilya.
Talagang pinag-ipunan ni Enchong ang family trip na ito sa Singapore. Second time niya ito sa nasabing lugar pero first time ng pamilya niya. Pinag-iipunan din ni Enchong ang isang European trip kasama ang kanyang pamilya.
Kaya naman pala masuwerte sa kanyang career si Enchong dahil mabuti siyang anak. Wala siyang tanging hinahangad kundi ang mapasaya ang mga magulang at kapatid. Mabuti na lang at wala pa siyang girlfriend kundi baka hindi niya maaasikaso ang pangangailangan nila.
Mga artistang nag-iisnaban, dumarami
Dumarami ang mga artistang nag-iiwasan ngayon. Nag-iwasan daw sa isang awards night sina Dennis Trillo, Luis Manzano, at Jennylyn Marcado. Mabuti nga siguro para makaiwas sa gulo.
Tingnan n’yo sina Piolo Pascual at KC Concepcion, nag-iwasan din sa Star Awards for TV. Sina Charo Santos-Concio at Nora Aunor, hindi man nag-iwasan ay hindi naman nagpansinan. Better para sa akin kesa magplastikan sila.
Marami namang kagalitan o away ang maiiwasan kapag ang mga hindi nagkakasundo ay nag-iiwasan na lang. Nagkakagulo lang kapag may away na ay pinagsasabong pa rin, parang inilalagay sa isang hawla at bahala na silang gawin ang gusto nila.
- Latest