Jolo pinagbigyan si Sen. Lito Lapid!
PIK : Hindi alam ni Camille Villar kung ano ang nararamdaman niya sa pagsisimula niya bilang co-host ni Willie Revillame sa Wiltime Big Time.
Ngayong araw siya magsisimula pero guesting pa lang naman bilang pansamantalang kapalit kay Mariel Rodriguez na nagbakasyon ng ilang araw kasama si Robin Padilla.
Hindi pa rin naman nakapag-decide si Camille kung handa na ba siyang pasukin ang showbiz.
Natutuwa lang siya sa programa lalo na’t nakakapagbigay sila ng tulong sa mga tao.
PAK : Hindi pa gaanong adjusted si Jolo Revilla sa halos araw-araw na taping pagkatapos niyang magkasakit. Kaya maingat pa rin ito ngayon at kung puwede lang ay iniiwasan na niya ang inuumagang taping.
Pero nang inalok siyang mag-guest sa bagong drama series ng ABS-CBN na Little Champ, kaagad niya itong tinanggap dahil kay Sen. Lito Lapid.
Ilang taping days din siya rito pero pilit niyang ini-adjust sa kanyang schedule dahil gusto niyang maging bahagi ng proyektong ito bilang pagbabalik ni Sen. Lapid sa showbiz.
BOOM : Pinagpilitan ng aming source na si Baron Geisler ang dahilan kaya na-hold ito sa Hong Kong airport at hindi itinuloy ang pagsakay papuntang Toronto, Canada.
Magti-taping sana roon si Baron sa Maalala Mo Kaya pero hindi na siya umabot dahil kinabukasan na ito nakasakay patungong Canada.
Ang sabi ng handler ni Baron, nagkaproblema ito sa kanyang ACR o Alien Certificate Registration na kinukuha niya sa Bureau of Immigration.
Mag-i-expire na ito kaya na-hold muna ito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at pati na rin sa Hong Kong pero pinayagan pa ring makaalis.
Kaya hindi na rin siya isinali sa taping dahil sobrang na-late na ito nang dating sa Canada kaya kinuha na lang nila si Patrick Guzman na naka-base roon sa Canada.
Maaaring nataranta lang si Baron sa pagka-hold sa kanya sa airport kaya nakainom ito ng konti pero hindi naman naglasing ang aktor.
- Latest