Judy Ann mas pumayat pa!
Ang laki na ng ipinayat ni Judy Ann Santos at obvious na obvious ito sa presscon kahapon ng My Househusband.
Mukhang effective ang diet na napili ni Juday dahil seksing-seksi na siya ngayon. Malayung-malayo sa katawan niya noong bagong panganak pa lamang siya.
Kung makikita ng ibang babae ang katawan ni Juday, gaganahan sila na magpapayat. Ang My Househusband ang pelikula nina Juday at Ryan Agoncillo na kasali sa Metro Manila Film Festival (MMFF). Ito ang unang pelikula ng mag-asawa, matapos isilang ni Juday ang anak nila ni Ryan. Isang romantic comedy movie ang My Househusband na isa sa mga MMFF entries na dapat abangan at panoorin ng madlang-bayan.
Alfred kumuha na ng sariling security guard para sa bahay
Bukod sa mga security guards sa village na tinitirhan niya, nag-hire si Quezon City Councilor Alfred Vargas ng sariling guwardiya na magbabantay sa kanyang bahay para hindi na maulit ang insidente na traumatic at kapupulutan ng aral.
Nabahala si Alfred sa tangka na pagnanakaw ni Clarita Florida, ang kasambahay na kanyang pinagkatiwalaan pero bantay-salakay pala.
Sari-sari ang pumapasok sa isip ni Alfred mula nang mangyari ang insidente. Paano kung nasa bahay ang kanyang mag-iina nang gawin ang pagnanakaw? Paano kung may nasaktan?
Nakakulong pa rin ang dating kasambahay dahil hindi pa nito ipinagtatapat ang buong katotohanan sa pagnanakaw niya sa built-in vault ni Alfred. Naniniwala ang mga imbestigador na may kasabwat si Clarita dahil hindi nito mabubuhat mag-isa ang napakabigat na vault.
Aral sa ating lahat ang naging karanasan ni Alfred. Maging maingat sa pag-hire ng mga kasambahay at huwag basta magtitiwala.
Two months pa lamang na naglilingkod si Clarita sa bahay ni Alfred at ganito rin ang kuwento ng ibang mga kakilala ko na ninakawan ng kanilang mga maid of honor.
Ang mga kasambahay nila na bago pa lamang sa serbisyo ang tumangay ng kanilang mga alahas at datung.
Hindi natin dapat kalimutan ang nangyari sa film critic na si Alexis Tioseco at sa kanyang girlfriend na si Nika Bohinc na pinaslang ng mga magnanakaw sa bahay nila sa Times St. at hinihinala na kasabwat ang kanilang katulong na pinaghahanap pa rin ng mga pulis.
Masama ang magduda sa kapwa pero mahalaga na kilalanin na mabuti ang mga kasambahay na kinukuha. Hindi sapat na ang kanilang mga ibinibigay na personal information, litrato, o NBI clearance.
Sure ang mga pulis na may mga sindikato na nagpapanggap na kasambahay, kinukuha ang tiwala ng kanilang mga amo at kapag handa na sila ay saka nila isinasakatuparan ang pagnanakaw.
May pattern at pare-pareho ang modus operandi ng mga bantay-salakay. Tumatagal sila ng dalawa hanggang tatlong buwan sa mga bahay na paglilingkuran at kapag komportable na sa kanila ang mga amo, saka sila kumikilos.
May mga minamalas na nahuhuli pero nakakalusot ang iba kaya paulit-ulit ang krimen na ginagawa nila.
Maribeth Bichara ninakawan ng maid, 8 years nang katiwala
Kung minsan o kadalasan, nakakagawa rin ng kasamaan ang mga kasambahay na matagal nang pinagkakatiwalaan dahil nabulag sila ng pag-ibig.
Good example ang nangyari kay Maribeth Bichara na pinagnakawan ng katulong niya, for more than eight years. Ninakawan si Maribeth ng kanyang maid of honor dahil inutusan ito ng boyfriend na security guard.
Alipin ng pag-ibig ang maid of honor kaya pinili nito na gawan ng kasamaan ang tao na naging mabuti sa kanya. Ang ending, nahuli ang katulong at nakakulong siya ngayon pero missing ang boyfriend na nag-udyok sa kanya na nakawan ang amo.
- Latest