Magandang aktres na lilipat sana ng network biglang buwelta, nilatagan ng home network na hindi matatanggihan
Hindi na natuloy ang pag-alis sa kanyang home network at paglipat sa ibang manager ng magandang aktres na ito at obvious na nagbago ang isip.
Nalaman din yata ng home network ng magandang aktres ang plano nitong hindi na pagre-renew ng konrata sa kanila kaya nilatagan ng projects na hindi matatanggihan.
“Hayaan mo na ‘yun” na lang ang reaction ng talent manager na hahawak sana sa magandang aktres sa biglang pagbabago ng isip nito.
In fairness, ang magandang aktres ang kumausap at nakipag-meeting sa manager, pero hindi na natuloy at wala ring balak ang manager na habulin ito kahit sinasabing hindi pa siya nagre-renew ng kontrata sa home network.
Nakaplano na ang lahat, gaya ng unang show na lalabasan ng aktres kung natuloy ang pag-alis ng aktres sa home network.
Magho-host muna siya sa isang sikat na show at saka pipirma ng kontrata sa lilipatang network.
Kris takot magmulta
Mas maraming araw na ang shooting ni Kris Aquino ng Segunda Mano, based sa schedule niya this week. Dati, Wednesday to Friday lang sila nagsu-shooting ni Dingdong Dantes ng entry nila sa MMFF, pero kahapon pa lang, nag-shooting na ang TV host-actress at inabot siya ng 12:00 midnight.
Pahinga siya sa shooting today, pero bukas, hanggang Saturday, tuluy-tuloy dahil malapit na ang deadline ng MMFF at daily ang fine sa producer sa entry na mali-late ang submission.
Parehong co-producer sina Kris at Dingdong, kaya ayaw nilang ma-late ang movie at dagdag sa budget ‘yun.
Vice, Darna Kuno ang next project
Nakita namin ang magkapatid na Vincent at Veronique del Rosario-Corpuz sa concert nina Martin Nievera at ng Side A Band at isa sa itinanong namin ay kung ano ang next movie ni Vice Ganda after the super hit Praybeyt Benjamin?
Ini-expect namin ang nabanggit ni Mr. Vic del Rosario na Jacobina ang gagawin ni Vice Ganda, isa ito sa mga biniling material ng Viva Films kay director Carlo J. Caparas, pero ibang project ang binanggit ng magkapatid.
Sabay ang sagot ng magkapatid na Darna Kuno ang next movie ni Vice Ganda at si direk Wenn Deramas pa rin ang magdidirek. “May iba pa ba? Bakit pa natin iibahin,” dagdag ni Veronique.
Jolina at Mark gusto agad magka-anak!
Sa Splendido sa Tagaytay ginanap ang 3:00 p.m. wedding nina Jolina Magdangal at Mark Escueta kahapon. By now, lalabas na tiyak ang details sa wedding dahil tapos na at nakaligtas sa media circus ang dalawa.
Sa Twitter unang kumalat ang pagpapakasal ni Jolina sa mga tweet sa kaibigan kung natanggap na ang invite. May salbaheng nag-retweet ng tweet niya, pero agad nakiusap si Jolina na i-delete ‘yun, kaya hindi na masyadong kumalat.
Sa pagbabalik niya sa Party Pilipinas sa Sunday, Mrs. Mark Escueta na si Jolina at sa mga nakaraang interview sa kanya, parang gustong magka-baby agad sila ni Mark.
- Latest