TV5 tambak ng nominasyon sa Asian TV Awards 2011
MANILA, Philippines - Pasok ang mga programa ng TV5 na Talentadong Pinoy, Lokomoko, at Star Confessions sa Asian TV Awards (ATA 2011) ngayong taon. Ayon sa listahan ng mga nominado, ang Kapatid Network din ang nakatanggap ng pinakamaraming nominasyon sa pinaka-prestihiyosong TV award-giving body sa Asya, kung ihahambing sa ibang Filipino broadcast company na kalahok sa 16th annual presentation nito.
Nominado sa Best General Entertainment category ang three-time KBP Golden Dove Awards winner na Talentadong Pinoy, katapat ang iba pang mga programa mula sa Singapore, Japan, Thailand, at isa pang programa mula sa Pilipinas.
Itatayo naman ng gag show na Lokomoko ang bandera ng Pilipinas sa Best Comedy kahanay ng ibang mga programa sa Singapore, India, at Malaysia.
Bukod sa tinatayang record-breaking na bilang ng mga entry na lumahok ngayong taon, tatlong bagong kategorya naman ang igagawad sa ATA 2011, kabilang na ang Best Theme Song kung saan nominado ang theme song ng Star Confessions na Ito ang Buhay Ko (This is My Life).
Kaliwa’t kanan ang nakukuhang parangal at nominasyon ng TV5 ngayong awards season, kabilang na ang katatapos lang na Golden Dove Awards ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) at Catholic Mass Media Awards, at sa nalalapit na ENPRESS Golden Screen TV Awards, at PMPC Star Awards For TV.
Iaanunsyo ang mga nanalo sa pinakamalaking TV industry event sa Asya sa Dec. 8 sa Singapore.
- Latest