100 Days... at Budoy palung-palo ang rating sa primetime
MANILA, Philippines - Pinakatinutukan ng mga Pilipino sa kani-kanilang mga bahay noong Oktubre ang mga programa sa primetime ng ABS-CBN at namayagpag pa sa apat na malaking teritoryo sa bansa sa average national audience share na 42% laban sa 30% ng GMA base sa datos ng Kantar Media.
Nanguna ang ABS-CBN sa primetime block (6:00 p.m. to 12:00 mn), kung saan may pinakamaraming nanonood at mas maraming patalastas ang inilalaan ng mga advertiser, sa Metro Manila sa audience share na 35% vs 33% ng GMA pati na rin sa Balance Luzon (lugar sa Luzon sa labas ng Mega Manila) sa audience share na 44% vs 30%.
Mas lalo namang lumaki ang lamang ng ABS-CBN sa Visayas at sa Mindanao. 60% ng mga Filipino households ay nanonood ng ABS-CBN sa Kabisayaan kumpara sa 19% na nanonood sa GMA habang 61% naman ang nakatutok sa Kapamilya sa Mindanao laban sa 14% ng Kapuso.
Patuloy na pinakainaabangan sa mga kabahayan ang 100 Days to Heaven sa average national TV rating na 32.4% na sinusundan ng unang advocacy-serye na nagpapaluha gabi-gabi ang Budoy na may 27.9%.
Pumangatlo naman ang nangungunang newscast sa bansa na TV Patrol sa average TV rating na 27.1% at muling tinalo ang kalabang 24 Oras (18.8%) na nasa ika-20 puwesto lang.
Ang kakatapos lang na talent-reality show na Pilipinas Got Talent, na siyang kumilala sa Maasinhon Trio bilang ikatlong grand winner nito ay bumira sa ratings sa huling pagkakataon sa average national rating na 24.5%. Pumalo naman ng 32% ang final results night nito at nag-trend pa sa Twitter worldwide.
Samantala, ang pagbabalik ni Kuya sa telebisyon via Pinoy Big Brother Unlimited: The Big Fiesta ay agad namang tumatak nang inilunsad at umakyat sa ika-siyam na puwesto sa average national TV rating na 22.9%.
Kabilang din sa Top 15 programs ang mga Kapamilya shows na Maalaala Mo Kaya (26.5%), My Binondo Girl (25.8%), Rated K (25.5%), Top Rank Live (25.4%), Junior Masterchef Pinoy Edition (22.7%), Pinoy Big Brother Unlimited Weekend (22.4%), Wansapanataym (22.1%), Maria La Del Barrio (21.2%), at Nasaan Ka Elisa? (21%).
- Latest