Baguhang young actress kabado kina LT at Alice
Hindi nakapagtataka kung kabahan man ng husto ang baguhang si Ritz Azul dahil bida sa bagong serye ng TV5 na Glamorosa ay dalawang batikang mga artistang babae.
At kung alam natin ang mga kalibre nina Lorna Tolentino at Alice Dixson, hindi sila ang tipong naghihintay pang uminit ang serye bago sila magpasikat. Agad ay ipinamamalas nila ang lahat ng makakaya nilang ibigay para sa kanilang mga roles na ginagampanan. Kaya sa isang eksena na ipinalabas nung grand launch ng nasabing serye na ginanap sa Lighthouse ng Meralco Building ay pinalakpakan ang eksenang nagkukumprontahan sila at may kasama pang malalakas na sampalan. Kahit pa sinabi ni LT na may daya ang eksena dahil ayaw na niyang nasasaktan pa sa mga ganung eksena, still lumabas na very realistic ang palitan nila ng sampal ng balikbayang si Alice na pumayag lumabas sa kauna-unahang pagkakataon bilang kontrabida sa telebisyon.
Maituturing na debut ni LT ang Glamorosa sa Kapatid Network. Matapos hangaan ang manalo ng award bilang Alondra sa Minsan Lang Kita Iibigin ng ABS-CBN, ginagampanan niya ang role ni Dra. Natalia Herrera, isang mayaman at kilalang cosmetic surgeon na may matigas na puso na bunga ng pagkawala ng kanyang asawa’t anak.
Isa namang nagsisimulang cosmetic surgeon si Alice na kalabang mortal ni Natalia sa mundo ng pagpapaganda.
Sa isang maikling pangungusap na binitawan ni Ritz, inamin niyang kinakabahan siya dahil “Wala pa akong isang taon sa pag-aartista. Sana makasabay ako sa kanila.”
Rachelle Ann crush na crush sina Sam at Jake
May bago na namang alaga si Lito de Guzman na inaasahan namang madali niyang mapapasikat dahil bukod sa marunong itong kumanta ay napakaganda pa ring bata. Siya si Rachelle Ann Franco Quiroz o magsisimulang magpakilala sa mundo ng showbiz bilang Raia Quiroz. Sixteen years old lamang ito at nasa fourth year high school sa OB Montessori sa Angeles, Pampanga.
Sinabi ni Raia na first singer siya sa pamilya at una ring susubok sa showbiz kaya suportado siya ng kanyang mga magulang na parehong matagumpay na negosyante at pati na ng apat niyang nakakabatang kapatid na babae.
Nakapag-recording na si Raia ng kanyang first self-titled album at ginawan ito ng isang bonggang launching ng kanyang manager sa Penthouse ng Rembrandt Hotel.
Miyembro siya ng jazz dance troupe ng OB Montessori. Iba’t ibang kanta ang nilalaman ng album — novelty, pop, ballad pero lahat ay original songs na ginawa para talaga sa kanya nina Boy Christopher at Blank Tape. Napapakinggan na ang carrier single nitong Hay Naku!
Gusto ring mag-artista ni Raia pero ito ay in the future pa, kapag nakilala na siya sa kanyang pagkanta. Crush na crush niya sina Jake Vargas at Sam Concepcion at wish niya na sana ay makasama niya sila sa kanyang mga palabas. Idolong-idolo naman niya si Toni Gonzaga hindi lamang bilang singer kundi bilang isang artista rin.
Mukha ni Pacman makikita sa mga gulay
Sa kabi-kabilang intriga kay Manny Pacquiao na bukod sa pagiging isang kampeong boksingero ay isa ring artista, recording artist, matagumpay na TV host at product endorser. Tumanggap na naman ito ng panibagong product endorsement sa Amerika, isang produkto na magtataglay ng kanyang mga larawan at isa sa pinakamalaking kumpanya na namamahagi ng gulay sa bansa ng mga ’Kano. Mabibili na sa supermarket ang Pacquiao Produce at susunod na rin ang mga bansa sa labas ng US.
- Latest