Hamon ni Sen. Bong, reinvestigation!
MANILA, Philippines - Inihatid na si Ramgen Revilla sa kanyang huling hantungan kahapon ng alas-dos ng hapon sa Angelus Eternal Gardens sa Imus, Cavite.
Wala sa libing ang ama nitong si dating Sen. Ramon Revilla, Sr., at wala ang dalawang kapatid ni Ramgen na sina Ramon Joseph at Mara.
Punung-puno ng hinanakit ang mga pahayag ng ina ni Ram na si Genelyn Magsaysay nang humarap sandali sa media bago sinimulan ang misa.
Nanawagan si Genelyn na sana ay lumabas na ang totoong pumatay sa kanyang anak dahil hindi ito naniniwalang sangkot ang dalawa pa niyang anak.
“Sana makonsensiya kung sino ang gumawa nito. Huwag mo nang paikut-ikutin ang kuwento. Makonsensiya ka na! Huwag n’yo pong idamay ang mga anak ko. Nagmamahalan sila at hindi nila kayang gawin ’yun.
“Mixed emotions po ako ngayon. Nandiyan ang galit, ang sakit, ang hapdi na naramdaman ng isang ina sa pangyayaring ito. Sana po tulungan n’yo akong malutas ito at malaman kung sino talaga ang totoong pumatay kay Ramgen,” pahayag ng dating aktres.
Naniniwala si Genelyn na may ibang tao sa likod nito at kung sa kanya may galit, sana aniya ay siya na lang ang harapin at huwag ang kanyang mga anak.
Ganun din ang paniniwala ni Sen. Bong Revilla, Jr. na hindi ito kayang gawin ng kanyang mga kapatid.
Pero iniiwan na niya ito sa mga awtoridad at managot na lang ang dapat managot.
“Sana siguraduhin lang ng ating mga awtoridad na tama ang kanilang imbestigasyon. Tama ’yung kanilang mga witnesses na inilabas dahil napakabigat po para sa naging biktima at magiging biktima pa na mga inosente,” pahayag nito.
Sana magkaroon ng reinvestigation at sana tama lang daw. Pero kung sakaling mga kapatid nga ni Ramgen ang sangkot sa krimeng ito, kailangan nilang panagutan iyon.
“Let the law takes its course. No one is above it,” pakli nito.
Pero sa ngayon ay naniniwala pa rin siya na walang kinalaman ang kanyang kapatid dahil wala pa namang solid na ebidensiyang involved nga sila.
Kahit ang kanyang amang si dating Sen. Ramon ay ganun din ang gustong iparating na managot ang dapat managot.
Pero nasasaktan ito sa mga nakarating sa kanya na balita. Kung anong sakit ang naramdaman ng kanilang ama, ganun din ang sakit na naramdaman nila.
Sa ngayon ay maayos na ang kalagayan ng kanilang ama na nagpapagaling pa sa hospital.
- Latest