Pinay singer pasok sa top 17 acts ng The X Factor
MANILA, Philippines - Pasok ang Pinay singer na si Ellona Santiago at ang kanyang grupong InTENsity sa top 17 acts na magpapasiklaban para sa piling puwesto sa finals ng pinakapinag-uusapang US singing competition na The X Factor.
Tunghayan ang two-hour special airing nito via satellite ngayong Miyerkules (Oct 26), 7:00 PM, sa Studio 23.
Napabilib ng grupo ni Ellona sina Paula Abdul at ang celebrity mentor na si Pharell Williams sa pagkanta nila ng That’s Not My Name sa Judges Home episode kung kaya’t pasok sila sa susunod na round. Pasok din sa top 17 ang iba pang grupong The Brewer Boys, Lakoda Rayne, at The Stereo Hogzz.
Ang hurado namang si Nicole Scherzinger at ang celebrity mentor na si Enrique Iglesias ay pinili sina Leroy Bell, Stacy Francis, Dexter Haygood, at Josh Krajcik para sa contestants na higit 30 taong gulang.
Pambato naman ng mga kalalakihan sina Astro, Marcus Canty, Phillip Lomax, at Chris Rene sa ilalim ng mentorship nina L.A. Reid at celebrity mentor na si Rihanna, samantalang sina Simone Battle, Rachel Crow, Drew Ryniewicz, Tiah Tolliver, at kadaragdag lang na semi-finalist na si Melanie Amaro ang kakatawan sa mga kababaihan sa gabay naman ni Simon Cowell.
Kasama dapat ni Simon ang international diva na si Mariah Carey bilang celebrity mentor, ngunit hindi ito nakaabot sa shooting sa Paris dahil naantala ang paglipad ng eroplano nito dala ng isang bagyo.
Pagkatapos naman ng dalawang oras na episode bukas, Miyerkules (Okt 26), magsisimula na ang live shows sa Nobyembre 2 kung saan magpapakitang gilas na para makuha ang boto ng sambayanan ang mga mapipiling official finalists.
Makasama kaya rito si Ellona at ang grupo niyang InTENsity?
Huwag palampasin ang huling bakbakan sa kantahan ng top 17 acts sa The X Factor ngayong Miyerkules (Oct 26), 7:00 PM, via satellite sa Studio 23.
- Latest