Buhay at bahay ng MTRCB chairman malalaman na
MANILA, Philippines - Sa kauna-unahang pagkakataon, eksklusibong bubuksan ni bagong Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chairman Mary Grace Poe-Llamanzares ang kanyang tahanan para ipasilip ang kanyang bahay at buhay sa naiibang programa ng GMA News TV tuwing Lunes ng gabi — ang Powerhouse.
Ang kanyang 600-sqm. na bahay na may temang contemporary Philippine colonial ay hitik sa art works ng ilan sa mga respetadong pangalan sa Philippine art scene. Kabilang sa kanyang koleksiyon ang mga obra nina HR Ocampo na dating kasama ng kaniyang inang si Susan Roces sa radyo; Sanso, na kaklase ng kanyang lola sa kolehiyo; Eduardo Castillo, na naging kaibigan rin ng kanyang ama; at ang national artist na si Carlos “Botong” Francisco na naging set designer ng kanyang amang si Fernando Poe, Jr.
Magiliw na magbabalik-tanaw ang MTRCB head sa kanyang kabataan at kung paano siya pinalaki ng mga magulang na tinitingalang showbiz royalties. Ikukuwento rin niya kung paano siya nagsikap na magkaroon ng sariling pangalan sa pamamagitan ng pag-aaral at pagpili ng ibang karera. Pero sa huli, matindi pa rin ang tawag ng kinalakihang mundo kaya naman tila at home na siya bilang chairman ng mga censors.
Sa one-on-one interview kasama ang award-winning host na si Mel Tiangco, sasagutin ni Chairman Grace ang mga maiinit na isyung hinarap niya: Ang tila baptism of fire dahil sa isang kontrobersiyal na game show, ang matinding dayaan umano noong 2004 elections na ikinatalo ng kanyang ama, at ang isyu ng pagpapatawad niya at ng kanyang ina sa dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Kuwentong bahay at buhay sa mata ni MTRCB Chairman Mary Grace ngayong Lunes sa Powerhouse, 10:30 p.m. sa nangungunang news channel sa bansa, ang GMA News TV.
- Latest