'Hindi ko kabisado ang pangalan ng mga anak niya' - Annabelle
PIK : Malaking tulong si Marian Rivera bilang endorser ng Philippine National Red Cross (PNRC)-Quezon City Chapter na siyang mangunguna sa fun run na tinaguriang Million Volunteer Run bilang bahagi ng pagdiriwang ng International Year of the Volunteers ng naturang organisasyon.
Ngayon pa lang ay marami nang gustong sumali kaya baka lumampas sa isang milyon ang sumali.
Ang mag-inang Mother Lily Monteverde at Roselle Monteverde-Teo na miyembro ng board of directors ng PNRC ang aktibo sa proyektong ito na ipinangako nilang dadaluhan ng mga kilalang Regal Babies.
PAK : Hindi pa ito opisyal na talaan ng mga castaways na kasali sa fourth season ng Survivor Philippines Celebrity Edition na kinunan sa Palawan pero ito na ang mga pinag-uusapang celebrities na nag-join.
Magkapares ang konsepto ng naturang reality show. Kaya ang mga magka-tandem na kasali ay sina Maria Isabel Lopez at ang anak nitong dalaga, KC Montero at Geneva Cruz, Carlo Gonzales at Art Solinap, Stef Prescott, at Gino dela Paz, Alyssa Alano at Aifa Medina, Ellen Adarna, at ang non-showbiz boyfriend, Jackie Foster at ang radio disc jockey Angelicopter, Chuckie Dreyfuss at Isabel Granada, at Ariel and Maverick at dalawang member ng Philippine Volcanoes.
BOOM : Nagpupuyos sa galit si Annabelle Rama sa panibagong kasong isinampa ni Nadia Montenegro laban sa kanya.
Na-file ni Nadia ang kasong Falsification and Use of Falsified Document Under Article 172 in Relation to Art. 171 nung nakaraang Biyernes ng hapon at sinamahan ito ni Boy Asistio at ang anak nilang si Ynna.
Ayon kay Nadia, peke ang kontrata ng dalawa niyang bunsong anak na edad four at six years old na ipinakita ni Tita Annabelle sa GMA 7.
Dapat ay kasali ang dalawa sa Daldalita pero ipinaalam ni Tita Annabelle na nakakontrata rin sa kanya ang dalawang bata bukod kina Ynna at ilang kapatid nito.
Pero ayon kay Nadia, wala siyang pinirmahang kontrata para sa dalawang maliliit na anak. Kaya pinatingnan niya sa Camp Crame at nakumpirma niyang na-forge ang kanyang pirma.
Kaya siya nagsampa ng naturang kaso.
Pero sagot naman ni Tita Annabelle, hindi superstar ang mga anak niya para pumeke pa ng kontrata.
Hindi nga niya kabisado ang mga pangalan ng mga anak niya, paano pa niya ito magagawan ng kontrata?
Patuloy ang palitan nila ng mga patutsada sa kanilang Twitter account na inaabangan ng kanilang mga followers.
- Latest