Shaina, mag-o-OFW
Pinaghahandaan na ngayon ni Shaina Magdayao ang kanyang bagong teleseryeng Doha kung saan ay si Jake Cuenca ang kanyang makakapareha.
Maganda ang tema ng nasabing serye dahil tatalakayin nito ang buhay mga OFW (Overseas Filipino Workers) na siyang magiging role ng dalaga.
Ayon kay Shaina ay nakaka-relate siya sa pagiging OFW dahil marami siyang kamag-anak na naninirahan sa ibang bansa. “Marami akong pinsan na nadoon and right now ‘yung third sister ko is there kasama ‘yung dalawang pamangkin ko. So alam ko ‘yung feeling na mayroon kang kapamilya na malayo sa ‘yo, kaya malapit talaga sa puso ko ang project. Ganun talaga ang dating ng proyektong ito sa akin,” pahayag ni Shaina.
Lalo raw pagbubutihan ng dalaga ang trabaho sa kanyang bagong project na ito. “Lagi naman akong ginaganahan eh everytime na binibigyan tayo ng proyekto ng ABS-CBN, pero ito parang somehow honored ako agad na ako ang napili na gumanap na OFW. Kasi ako mismo, meron tayong mga relatives na nagta-trabaho sa ibang bansa. Kaya honored ako na in my own little way dahil nga gagawin ko itong show na ito. Sana nga medyo mabigyan natin ng konting saya ang ating mga kababayan,” dagdag pa ng young actress.
Proud na proud din si Shaina sa buong production team dahil talaga naman daw malapit sa katotohanan ang istorya ng Doha. “Gumawa muna sila ng research. Nagpunta muna sila doon, so based sa research nila, ipinakita kung gaano talaga naghihirap ang mga kapamilya natin doon. Mas tumaas ang respeto ko sa kanila (OFW) at alam natin kung gaano sila nagpapakahirap. Siguro ganun na lang nila kamahal ang mga pamilya nila na natitiis nila ang mapalayo sa pamilya nila for a while or even for years. Okay sa kanila ‘yon basta masuportahan nila ‘yung pamilya nila dito sa Pilipinas,” pagtatapos ni Shaina.
Jed at Marcelito iniintriga ang boses
Kamakailan ay nagkasama sa Kris TV sina Jed Madela at Marcelito Pomoy. Nagkaroon din ng pagkakataon na mag-duet ang dalawa sa nasabing show kaya may mga nagkukumpara na ngayon sa kanilang style sa pagkanta. “Before Marcelito came, pinaka-signature ko ‘yung uy! Si Jed, belter ‘yan. Then here comes a guy who can sing high notes. But you know, listening to him is very different kumpara sa singing voice ko. He sounds like Regine Velasquez, tapos ako naman I can hit high notes but it sounds like mine. It’s my voice talaga,” paglilinaw ni Jed.
Wala naman daw problema kay Jed kung napagku-kumpara sila ni Marcelito. “People will always compare artists kahit hindi kayo magkapareho ng boses. Kapag magkapareho kayo ng genre, magko-compare talaga ‘yung tao. To be compared with Marcelito, wala namang problema sa akin, magaling naman si Marcelito. Hanga ako sa kanya. I performed with him a couple of times. We did a show in Los Angeles, ang galing niya talaga so okay lang,” dagdag pa ni Jed. -Reports from James C. Cantos
- Latest