Indie ginawang New Wave sa MMFF
MANILA, Philippines - Ang Metro Manila Development Authority (MMDA) at ang Metro Manila Film Festival (MMFF) executive committee ay nagpapaalala na ang deadline sa pagsusumite ng mga student filmmakers para sa 37th MMFF ay sa Oct. 30 na.
Ang Student Short Film ay isang kategorya na ipinakikilala sa MMFF ngayong taon. Limang New Wave films (full length) at 10 Student Short Films ang mapapanood simula Dec. 18 hanggang 21 sa Robinsons Galleria bilang panimula sa taunang MMFF na tatakbo sa Dec. 25 hanggang Jan. 7.
Ayon kay MMDA chairman at MMFF over-all chair na si Atty. Francis Tolentino, ginawa nila ito sa rekomendasyon ni Direk Mark Meily, ang chairman ng New Wave film section. Nagdesisyon ang komite na gawing “new wave” ang tawag sa mga pelikula kesa sa salitang “indie” (independent) dahil nakilala na ang huli sa pagiging low-budget.
Inaasahan ni Atty. Tolentino na ang mga lalahok na student filmmakers ngayong taon ay magiging feature film directors sa mga susunod na taon, sa mainstream man o sa New Wave.
Isang segment sa awards night ng MMFF ang ilalaan sa mga estudyante at New Wave filmmakers para maiangat ang kanilang partisipasyon.
Ang isang Student Short Film ay hindi dapat lalagpas sa 12 minuto, habang ang feature film ay may minimum na 60 minuto at hindi dapat lumagpas ng 115 minuto.
Ang direktor na mapipili para sa pinakamagaling na New Wave film ay makakatanggap ng P100,000 at ang eskuwelahan ng pinakamagaling na Student Short Film ay makakatanggap naman ng P25,000.
Ang lahat ng mga ilalahok na pelikula ay dapat nagawa sa loob ng January 2010 at Oct. 30, 2011, nasa DVD format na, may Filipino at English subtitles, at hindi dapat iprinodyus ng major film outfit.
- Latest