Mga bruha magpapakita sa Snow World
MANILA, Philippines - Kasabihan na nga maging sa mga kuwento noong araw, pagsapit ng panahong malapit na ang taglamig, kung kailan ang gabi ay mas mahaba na kaysa sa araw, sa panahon ng kabilugan ng buwan ay makikita mo ang mga lumilipad na kakaibang nilikha, marami sa kanila ay nakasakay sa walis tingting.
Kaya pagsapit ng ganyang mga panahon, nagsisimula na ang iba na magbaka-sakali na makita nila ang mga bruhang lumilipad sa kabilugan ng buwan.
Kung ang panahon ay nagsisimula na ring lumamig, sinasabi nila, nagsisimula na ring magparamdam ang mga nilalang sa mga haunted houses.
Naranasan na ba ninyo ang mga iyan?
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Halloween, nagsimula na ang mga kakaibang pangitain sa Snow World. May masasalubong kayong isang bruha sa tulay na yelo. Sinasabi ring may mga multong nagtatago sa mga bahay na gawa sa malamig na yelo.
Pero siyempre ang lahat nang iyan ay kuwento lamang, para sa kasiyahan ng mga dadalaw sa Snow World.
Ang Snow World sa Star City ay bukas araw-araw simula alas-kuwatro ng hapon pero mas maagang nagsisimula, ganap na alas-dos ng hapon tuwing weekends. Kayo na ang maunang dumalaw sa kanila, bago nila kayo dalawin.
- Latest